Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Ikatlong Kabanata: Ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


IV. Ang mga Saligang Tungkulin ng Demokratikong Rebolusyon ng Bayan

Ang komprehensibong itinatakda ng Programa sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan sa Pilipinas, ang programa ng Partido Komunista ng Pilipinas, ay hindi lamang ang mga pangkalahatan at partikular na tungkulin ng rebolusyonaryong partidong proletaryado kundi pati ng buong rebolusyonaryong kilusang masa. Sumahin din natin ngayon ang mga saligang tungkulin ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ang sentral na tungkulin ng rebolusyong Pilipino sa kasalukuyang yugto ay ang pagbabagsak sa imperyalismong EU, pyudalismo at burukratang kapitalismo, at ang pag-agaw at pagkonsolida sa kapangyarihang pampulitika. Ang layunin natin ay palayain ang bansang Pilipino sa pang-aapi ng mga dayuhan, at palayain din sa pyudal na pang-aapi ang malawak na masa ng mamamayang Pilipino, laluna ang uring magsasaka.

1. Sa Larangan ng Pulitika

Dapat gawin ang lahat para parehong makamit ang pambansang rebolusyon na pangunahin laban sa imperyalismong EU at ang demokratikong rebolusyon laban sa pyudalismo at pasistang pagkapapet. Dapat ibagsak ang magkasanib na reaksyonaryong diktadura ng malaking burgesyang komprador, uring panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista, at palitan ng sistema ng demokratikong estadong bayan, ang diktadura ng nagkakaisang prente ng proletaryado, uring magsasaka, petiburgesya, pambansang burgesya at lahat ng iba pang makabayan.

Isang bagong demokratikong republika na pinamumunuan ng proletaryado at nagtutugma-tugma sa mga interes ng lahat ng rebolusyonaryong uri't saray ang papalit sa kasalukuyang huwad na republika na walang iba kundi papet na likha ng imperyalismong EU at mapamilit na instrumento ng mga mapagsamantalang uri. Ang republikang ito ay hindi magiging diktadura ng burgesya, o diktadura ng proletaryado, kundi magkasanib na diktadura ng lahat ng rebolusyonaryong uri't saray na pamumunuan ng proletaryado.

Magkakaroon ng mga konggreso o kumperensya ng bayan mula pambansang antas ng gobyerno hanggang sa antas ng probinsya o distrito. Sa mga nakakababang antas, magkakaroon din ng mga kinatawang organong namamahala. Sa bawat antas, ihahalal ang mga representante ng mamamayan ayon sa sistema ng panlahatan at pantay-pantay na pagboto. Ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo ang magiging pangunahing prinsipyong pang-organisasyon ng Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas.

Sa pagsulong sa sistema ng demokratikong estadong bayan, dapat paunlarin ang mga rebolusyonaryong base para maitatag ang independyenteng rehimen kahit hindi pa kumpletong naibabagsak sa buong bayan ang estado ng mga komprador, panginoong maylupa at burukrata. Pwedeng itatag ang demokratikong gobyernong bayan sa mga lugar na nagtagumpay na ang mamamayan sa pamumuno ng mga proletaryong rebolusyonaryo. Doon ay pwedeng itayo ang diktadura ng nagkakaisang prente o ang demokrasyang bayan. Pwedeng itayo ang mga rebolusyonaryong komite sa mga baryo, pabrika, eskwelahan at iba pang lugar bilang binhi o mga aktwal na organo ng kapangyarihang pampulitika sa buong Pilipinas.

2. Sa Larangan ng Militar

Sa baril nagmumula ang kapangyarihang pampulitika. Hanggat hindi nadudurog ang mga kontrarebolusyonaryong armadong pwersa, kabilang ang mga dayuhang tropang agresor, papet na tropa at lahat ng klase ng gang ng mamamatay-tao, hindi maitatatag ang independyenteng rehimen sa kanayunan o ang sistemang demokratikong rehimen sa kanayunan o ang sistemang demokratikong estadong bayan sa buong Pilipinas.

Ang Bagong Hukbong Bayan ang magiging sandigan ng sistema ng demokratikong estadong bayan. Prinsipal na tungkulin nito ngayon na agawin at konsolidahin ang kapangyarihang pampulitika. Dapat lagi nitong pagsilbihan ang sambayanan at idepensa sila sa kanilang mga kaaway.

Dapat magkaroon ng katangiang masa ang lahat ng armadong pwersa ng bayan, at dapat pamunuan ang mga ito ng proletaryado at ng Partido nila. Ang mga prinsipal na porma ay ang regular na pwersang makilos, ang mga gerilyang bayan at ang milisyang bayan. Pangunahin silang kinukuha sa uring magsasaka.

Sa kanayunan muna dapat likhain ang mga rebolusyonaryong base at sonang gerilya. Doon kailangang talunin ang kaaway bago tuluyang agawin ang kapangyarihan sa kalunsuran. Ang Bagong Hukbong Bayan ay susulong na parang mga alon sa loob ng mahabang panahon para durugin ang kaaway sa buong bayan.

3. Sa Larangan ng Ekonomya

Ang prinsipyong umasa sa sarili ay dapat ipatupad sa mga usaping pang-ekonomya habang lumilikha pa ng mga base at sonang gerilya sa kanayunan ang ating mga rebolusyonaryong pwersa. Dapat tayong lumahok sa produksyon at hindi nating dapat ilimita ang ating sarili sa pagkekwenta ng kinikita at ginagastos batay sa mga kontribusyon, kumpiskasyon at bonong pandigma. Dapat matalino nating gamitin ang ating mga pinagkakabuhayan sa pamamagitan ng istriktong pagsunod sa istilo ng simpleng pamumuhay at puspusang paggawa.

Dapat nating kumpiskahin ang ari-arian ng mga imperyalista, mga mapagsamantalang uri at mga traydor para makinabang ang masang proletaryado at malaproletaryado. Patatakbuhin ng estado ang lahat ng isinabansang empresa at lahat ng pinagkukunan ng hilaw na materyales at enerhiya. Sasamsamin ang lahat ng empresang may katangiang monopolista. Magkakaroon ng katangiang sosyalista ang pang-estadong sektor ng ekonomya at magiging pwersa itong mamumuno sa buong pambansang ekonomya. Papayagan ang pambansang burgesya na paunlarin ang produksyong kapitalista, pero hanggang sa antas lamang na hindi nila paghaharian o hahadlangan ang kabuhayan ng mamamayang Pilipino.

Ipapamahagi nang libre ang lupain ng mga panginoong maylupa sa mga magsasakang kakaunti ang lupa o walang lupa. Ipatutupad ang prinsipyo ng pagpapantay-pantay sa pagmamay-ari ng lupa. Uumpisahan ang mga empresang kooperatiba sa mga may-aring nagbubungkal at iba pang maliliit na prodyuser bilang unang hakbang tungo sa sosyalismo. Papayagang manatili ang ekonomya ng mayamang magsasaka sa loob ng makatwirang haba ng panahon. Kahit ang mga panginoong maylupa na walang nagawang krimeng publiko ay bibigyan ng pagkakataong maghanapbuhay, pero hindi sila ilalagay sa anumang pusisyon para magpasya o umimpluwensya sa mga desisyon.

Bago tamuhin ang tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa, ang mga namumunong organo ng Partido at ang gobyerno ng base ay gagawa ng angkop na mga patakarang pang-ekonomya para sa mga base at kalapit na mga sonang gerilya batay sa kongkretong sitwasyon. Titiyakin nila na bago magsagawa ng repormang pang-ekonomya sa isang lugar, may sapat nang mga kadre at rebolusyonaryong organisasyon na maniniguradong magkakaroon ng tamang pagsasaayos ng interes ng mamamayan.

4. Sa Larangan ng Kultura

Walang magagawang kahit anong pagsulong ng rebolusyong Pilipino kung hindi magkakaroon ng pangkalahatang pagkamulat ang malawak na masa ng mamamayan. Ang konsept ng demokrasyang bayan o bagong tipo ng pambansang demokrasya ang dapat maging buod ng pangkulturang aktibidad ng rebolusyonaryong kilusang masa. Dapat pangibabawan at ibagsak ng isang pambansa, siyentipiko at pangmasang kultura ang imperyalista, pyudal at antipopular na kulturang umiiral ngayon. Ang sistema sa edukasyon, mula pinakamababa hanggang pinakamataas na antas, ay magiging napakademokratiko kaya walang anumang sisingilin sa mga estudyante.

Dapat palaganapin ang isang rebolusyonaryong kulturang pambansa para malabanan ang imperyalistang pang-aapi at maitaguyod ang dignidad at independensya ng bansang Pilipino. Dapat itakwil ng kulturang ito ang dekadenteng kultura ng kolonyalismo, imperyalismo at neo-kolonyalismo. May mga porma ng kulturang tradisyonal at moderna na dapat kunin at lagyan ng nilalamang magpapatingkad sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Dapat umugnay ang rebolusyonaryong kulturang ito sa mga kulturang sosyalista at kultura ng bagong demokrasya ng ibang bansa. Dapat ipaloob at iangkop sa pambansang kondisyon ang anumang progresibo sa mga dayuhang kultura. Kasabay nito, dapat irespeto ang kultura at mga kaugalian ng mga pambansang minorya. Mabubuhay lamang sa Pilipinas ang unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong kung isasanib ito sa lokal na kondisyon at magkakaroon ng tiyak na pambansang porma. Dapat itaguyod ang paggamit sa pambansang lenggwahe para mapabilis ang pagpapalaganap sa rebolusyonaryong kulturang pambansa.

Dapat palaganapin ang siyentipikong kultura para malabanan ang reaksyonaryong ideyalismong inilalako ng imperyalismo't pyudalismo at pati ang mga pamahiing umiiral pa. Pwedeng bumuo ng nagkakaisang prente ng siyentipikong kaisipan ng proletaryado at mga progresibong aspeto ng materyalismong burges at mga siyensyang pangkalikasan. Pero ang dapat laging namumuong ubod ng siyentipikong kulturang ito ay ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Ang kulturang ito ang dapat magsilbing gabay sa praktikal na kilusan ng rebolusyonaryong masa at pati sa pagbabago ng ideolohiya ng mga intelektwal. Sa larangan ng aksyong pampulitika, pwede tayong magkaroon ng anti-imperyalista at antipyudal na nagkakaisang prente kasama ang ilang ideyalista at kahit mga relihiyoso, pero hindi natin masasang-ayunan ang kanilang ideyalismo o doktrina sa relihiyon.

Kapag naitatag na ang Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas, magbubukas ito't magmamantini ng relasyong diplomatiko at pakikipagkalakalan sa lahat ng bayang rumerespeto sa soberanya at integridad ng teritoryo ng sambayanang Pilipino at pumapasok sa ganoong ugnayan para sa kapakinabangan ng isa't isa. Susundin nito ang Limang Prinsipyo ng Mapayapang Pakikipamuhay: pagrerespeto sa soberanya at integridad ng teritoryo ng isa't isa, di pagsasalakayan, di pakikialam sa mga problemang panloob ng isa't isa, pagkakapantay at kapakinabangan ng bawat isa, at mapayapang pakikipamuhay. Dapat pawalan agad ng bisa ang lahat ng di pantay na tratado at kasunduan ng reaksyonaryong gobyerno at burgesyang internasyonal na pinamumunuan ng imperyalismong EU.

Itataguyod ang pinakamatalik at pinakamasiglang pakikipag-ugnayan sa mga kapatid na sosyalistang estado, partido at lahat ng rebolusyonaryong kilusang lumalaban sa imperyalismo, modernong rebisyonismo at lahat ng reaksyon.

V. Ang Perspektiba ng Rebolusyong Pilipino

Nalinaw nang may dalawang yugto ang rebolusyong Pilipino. Demokratikong rebolusyon ng bayan ang unang yugto. Rebolusyong sosyalista naman ang ikalawang yugto. Kung gayon, may perspektibang sosyalista ang rebolusyong Pilipino.

Ang pinakaimportanteng pampulitikang salik sa transisyon sa sosyalismo mula demokrasyang bayan ay ang liderato ng uring proletaryo na nakabatay sa alyansa ng manggagawa't magsasaka. Sa pamamagitan ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang pinakasulong na destakamento ng proletaryado, responsable ito sa paglikha ng kundisyon para sa sosyalismo, o sa pagtatransporma ng demokratikong diktadurang bayan para maging diktadurang proletaryo. Tulad ng sa pakikibaka para agawin ang kapangyarihan, ang uring manggagawa ay pangunahing umaasa sa malawak na masa ng maralita't nakabababang-panggitnang magsasaka at manggagawang bukid sa pagkokonsolida ng diktadurang proletaryo at sosyalistang transpormasyon ng baseng pang-ekonomya.

Sa ilalim ng demokrasyang bayan, iiral na ang mga salik na pang-ekonomya para sa pagtatayo ng sosyalismo. Ang mga salik na ito ay ang sektor ng estado at mga kooperatiba sa industriya at agrikultura. Itataguyod at isusulong ng proletaryado ang mga ito para malikha ang baseng pang-ekonomya para sa sosyalismo. Uunlad ang pambansang kapitalismo at ekonomya ng mayamang magsasaka, pero sa limitadong saklaw lamang at magiging parte lamang ng buong ekonomya.

Patuloy na titiyakin ng proletaryado at ng rebolusyonaryong partido nila na irerebolusyonisa ng mga manggagawa, magsasaka't mandirigma ang superistruktura para tumugma sa baseng materyal. Paulit-ulit nating ibubunsod ang dakilang proletaryong rebolusyon sa kultura para mapanatiling pula ang pampulitikang kulay ng Pilipinas.

Laging mamantinahin ang hukbong bayan bilang pangunahing haligi ng sistema ng demokratikong estadong bayan, at kasunod nito, ng estadong sosyalista. Poprotektahan nito ang sambayanan at ang estado sa mga panloob at panlabas na kaaway, at laging susuportahan ang mga proletaryong rebolusyonaryo at ang masa sa kanilang pakikibaka. Mananatili itong dakilang paaralan ng kabataang Pilipino na tagapagpatuloy ng rebolusyong Pilipino.

Tayo ay nasa panahong ang imperyalismo ay tumutuloy sa ganap na pagbagsak at ang sosyalismo'y sumusulong sa pandaigdigang tagumpay. Lahat ng sambayanang lumalaban sa imperyalismo, modernong rebisyonismo at lahat ng reaksyon ay lumilikha ng kundisyon para sa pagsapit ng sosyalismo sa mas marami pang bayan. Masiglang sumusulong ang pandaigdigang rebolusyong proletaryo. Ang internasyonal na salik na ito ay nagpapabilis sa pagsulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa Pilipinas, at pagkatapos nito, sa pagsapit ng sosyalismo. Sa yugtong ito, ang unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong at ang Dakilang Proletaryong Rebolusyon sa Kultura ay nagkaroon na ng napakalaking impluwensya sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino. Ang rebolusyonisasyon ng pitong daang milyong (700,000,000) mamamayang Tsino ay nakapagtransporma sa Republikang Bayan ng Tsina para maging bakal na muog ng sosyalismo. Napakapalad natin at malapit tayo sa sentro ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo, at pati sa Indotsina, ang pangunahing larangan ng labanang anti-imperyalista.

Back to CPP Documents

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.