Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Ikatlong Kabanata: Ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


II. Mga Uri sa Lipunang Pilipino

Sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyon ng bayan, kailangang-kailangang gumawa ng pangkalahatang pagsusuri sa iba't ibang uri sa lipunang Pilipino. Para malaman nang komprehensibo at malalim ang mga panloob na batas at takbo ng istorikong pag-unlad ng Pilipinas, dapat nating makilala ang iba't ibang uring ito. Dapat nating malaman ang kanilang mga pampulitikang aktitud sa rebolusyon sa pamamagitan ng pagkilala sa kanilang katayuan sa ekonomya. Sa pag-alam sa kanilang katayuan sa ekonomya at mga aktitud sa pulitika, matitiyak natin kung sinu-sino ang ating tunay na mga kaibigan at sinu-sino ang ating tunay na mga kaaway sa rebolusyonaryong pakikibaka sa imperyalismong EU, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Matutukoy natin ang mga uri at saray sa lipunang Pilipino sa pagturing sa kanila bilang malalaking grupo ng tao na nagkaka-iba-iba ayon sa lugar nila sa sistema sa produksyong panlipunan na itinakda ng kasaysayan, sa relasyon nila sa mga kasangkapan sa produksyon (kung nagmamay-ari o hindi), sa papel nila sa panlipunang organisasyon ng paggawa, at kung gayo'y sa laki ng parte ng yamang panlipunan na nagagamit nila sa paraan ng pagkuha nito. Sa gayon, ang batayan ng pagsusuri sa mga uri ay ang relasyon ng mapagsamantala at pinagsasamantalahan. Lalong nagiging malinaw ang iba't ibang uri at saray sa takbo ng pakikibakang pampulitika, kapag umiigting ang rebolusyon at kontrarebolusyon at naglalantad sa tunggalian ng mapagsamantala at pinagsasamantalahan na di mapapagkasundo. Dahil dito, ang paninindigang pampulitika ay lalong nagiging importanteng pamantayan sa pagsusuri sa mga uri.

Binubuo ang lipunang Pilipino ng sumusunod na mga uri at saray:

1. Ang Uring Panginoong Maylupa

Ang uring panginoong maylupa ang may-ari ng malalawak na lupaing pang-agrikultura. Hindi sila lumalahok sa esensyal na paggawa at pinagsasamantalahan nila ang masang magsasaka unang-una na sa pamamagitan ng pagsingil ng upa sa lupa. Nagpapautang din sila ng pera sa interes na mapang-usura, umuupa ng manggagawa o namimilit na pagsilbihan sila bilang isang porma ng tributo, at nandaraya sa mga kasama nila sa pagkekwenta ng gastos sa punla, abono, pestisidyo, patubig at paggamit ng makinarya nang sa gayo'y basta na lamang maitaas ang upa sa lupa. Binibili nila ang lupa ng naghihirap na mga magsasaka at kinakamkam ang lupang binubungkal na ng maliliit na setler at mga pambansang minorya.

Pwede ring ikategoryang panginoong maylupa ang mga tumutulong sa mga panginoong maylupa na mangulekta ng upa o mamahala sa mga asyenda at nakakaangat sa karaniwang panggitnang magsasaka dahil sa parte nila sa pyudal na pagsasamantala. Ganito ang katayuan ng karaniwang mga katiwala at administrador ng lupa.

Ituturing ng panginoong maylupa ang mga usurero na ang pangunahing pinagkukunan ng kita ay ang pang-uusura at nakaka-angat sa karaniwang panggitnang magsasaka. May katangian din ng panginoong maylupa ang mga miller at may-ari ng makinaryang pang-agrikultura na sobra ang sinisingil na butil o pera sa mga magsasaka.

Dahil lumalahok sa pyudal na pagsasamantala sa mga magsasaka ang mga umuupa o konsesyonero sa malalawak na lupaing pang-agrikultura na pag-aari ng reaksyonaryong gobyerno, mga bangko, simbahan, iskwelahan o panginoong maylupang naglalagi sa kalunsuran, nasa kategorya rin sila ng panginoong maylupa. Pwede ring ikategoryang panginoong maylupa ang mga manedyer at tagapagtaguyod ng mga huwad na kooperatibang pansakahan dahil kumikita sila sa pyudal na pagsasamantala.

Kinakatawan ng uring panginoong maylupa ang pinaka-atrasado at pinakareaksyonaryong relasyon sa produksyon at hinahadlangan nila ang pag-unlad ng pwersa sa produksyon. Sila ang pangunahing sagabal sa pag-unlad ng Pilipinas sa pulitika, ekonomya at kultura. Sila ang pangunahing batayang panlipunan ng paghaharing imperyalista at ngayo'y pinagsasamantalahan nila ang napakaraming mamamayan sa Pilipinas. Samantala, dependyente lamang naman sila ng internasyonal na burgesya at umaasa sa imperyalismo para mabuhay at mabigyan ng proteksyon. Marahas nilang nilalabanan ang demokratikong rebolusyon ng bayan at kung gayon ay target sila ng rebolusyon. Sinusuportahan nila at ginagamit ang Simbahang Katoliko bilang institusyong pyudal para protektahan ang sariling interes, at may mga pampulitikang kinatawan sila sa Partido Nacionalista, Partido Liberal, CSM, at iba pang reaksyonaryong organisasyong pampulitika mula sa pambansang antas hanggang sa antas ng baryo.

Tuwing mag-oorganisa ang mga magsasaka para angkinin ang kanilang mga makatwirang karapatan, hindi nag-aatubili ang uring panginoong maylupa na gamitin ang pulisya, armadong pwersa, mga korte at bilangguan ng reaksyonaryong estado para supilin ang mga magsasaka. Nagbubuo rin sila ng sariling armadong gang para pangalagaan ang ari-arian nila. Hinding-hindi nila kusang isusuko ang kanilang kapangyarihang pang-ekonomya at pampulitika. Ang lahat ng batas sa "reporma sa lupa" na ginawa ng reaksyonaryong gobyerno ay pinakinabangan lamang ng uring panginoong maylupa. Pinapayagan ng mga ahensya sa "reporma sa lupa" ng reaksyonaryong gobyerno ang mga panginoong maylupa at burukrata na lalong pagsamantalahan ang mga magsasaka sa napakaraming paraan.

Sa mga layuning taktikal, pwede nating iklasipika ang mga panginoong maylupa sa ilang paraan. Pwede silang maging malaking panginoong maylupa, panggitna o maliit, batay pangunahin sa lawak ng lupang pag-aari o kontrolado nila. Humahawak ng pampulitikang awtoridad ang ilan samantalang ang iba nama'y hindi gaano. Madalas mangyari na antagonistiko sa isa't isa ang mga pangkatin ng mga panginoong maylupa. Despotiko ang ilang panginoong maylupa samantalang ang iba nama'y hindi gaano. Kahit target ng rebolusyong Pilipino ang buong uring panginoong maylupa, ang pangunahing mga target ay ang mga panginoong maylupa na malaki, may awtoridad at despotiko. Nangunguna ang mga panginoong maylupang ito sa pagsupil sa rebolusyonaryong kilusang masa at madalas ay may buhay silang inuutang.

Ang mga panginoong maylupa na pinakamalapit sa mga imperyalista at pinakamakapangyarihan sa pambansang sentro ng reaksyonaryong gobyerno ay nag-eeksport ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng asukal, niyog, abaka, tabako, saging at iba pa. Nakatali sila sa mga imperyalista sa pamamagitan ng mga kasunduan sa pautang para sa kanilang mga planta (mill) o makinarya, at sa pamamagitan din ng mga kasunduan sa pagbebenta ng mga kalakal. Isa silang pwersang mapagpasya sa resulta ng mga reaksyonaryong eleksyon dahil malaki ang ginagastos nila sa kampanya at sila mismo'y kumakandidato para magkaroon ng pwesto sa reaksyonaryong gobyerno. Dahil kumikita sila ng dolyar ng EU, madali nilang nagagampanan ang papel ng malaking burgesyang komprador na nag-iimport at nag-eeksport ng mga kalakal.

Ang mga panginoong maylupang nag-eeksport ng mga produktong pang-agrikultura ay nagmamay-ari ng mga sakahan na lubusan o bahagyang pinatatakbo sa paraang kapitalista. Pero walang palya nilang pinagsasamantalahan ang mga maralitang magsasaka na pana-panahong kinukuha ng mga kontratista sa paggawa para pansamantalang magtrabaho bilang manggagawang bukid. Sa iba't ibang paraan, laluna sa pamamagitan ng pang-uusura at pandaraya sa kwenta, pinalalala pa ng mga kontratista sa paggawa at katiwala ang pagsasamantala sa mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid na ito.

2. Ang Burgesya

Ang burgesya sa lipunang Pilipino ay binubuo ng tatlong saray: ang malaking burgesyang komprador, ang panggitna o pambansang burgesya at ang petiburgesya.

a. Ang Malaking Burgesyang Komprador

Ikinakawing ng malaking burgesyang komprador sa pyudal na pwersa sa kanayunan ang internasyonal na burgesya, at sila ang nakikinabang nang husto sa pakikipagkalakalan sa Estados Unidos at iba pang bayang imperyalista, laluna sa Hapon sa kasalukuyan. Dito sa Pilipinas, sila ang may pinakamalaking naiipong kapital bilang prinsipal na ahente ng imperyalismong EU sa kalakalan at pinansya. Ang malalaking panginoong maylupa na mahigpit nilang kaugnay ay kasama nilang humahadlang sa pag-unlad ng ekonomya ng Pilipinas dahil nakasalalay ang interes nila sa pananatili ng paghaharing imperyalista at pyudal. Ang yaman nila ay pangunahing kinukuha sa pag-eeksport ng lokal na hilaw na materyales (tulad ng asukal, produkto ng niyog, troso, mineral at iba pa) at sa pag-iimport ng mga yaring produkto.

Sa malakolonyal at malapyudal na Pilipinas, di maiiwasang magkaroon ng interes ng malaking panginoong maylupa ang malaking burgesyang komprador dahil noong umpisa'y pyudal na pagmamay-ari ng lupa ang basihang pang-ekonomya nila at ang interes nila ay nananatiling nakasalalay sa produksyon ng hilaw na materyales, na mula sa agrikultura ang pinakamalaking parte. Sa Pilipinas ngayon, ang kayamanan ay nakakonsentra sa kamay ng limampung (50) pamilya ng malalaking komprador at panginoong maylupa. Kabilang sa pinakamalalaking kinatawan ng malaking burgesyang komprador ang mga Soriano, Ayala, Zobel, Elizalde, Araneta, Lopez, Ortigas, Yutivo, Roxas-Chua, Cojuangco, Montelibano, at iba pa.

Ang pinakamayamang grupo ng komprador sa Pilipinas ay ang grupo nina Soriano, Ayala, Zobel, at Roxas. May mga direktang interes sila, kahit nagsisilbing ahente ng imperyalismong EU at mga organisasyong kleriko, sa mga korporasyong tulad ng Bancom, Ayala House of Investments, San Miguel Corporation, Atlas Consolidated Mining, Bislig Bay Lumber, Paper Industries Corporation of the Philippines, Nutritional Products, Coca-Cola Export Corporation, Atlas Fertilizers, Phelps Dodge, Central Azucarera de Don Pedro, Soriamon, FGU Insurance Group, Bank of the Philippine Islands, People's Bank and Trust Company, Industrial Textiles Manufacturing, International Engineering, Rheem of the Philippines, Herald-Mabuhay, Interisland Broadcasting Corporation, Radio Mindanao Network, STAATS at maraming iba pang korporasyon.

Nakokontrol ng malaking burgesyang komprador ang kasalukuyang sistemang pampulitika dahil sila ang pinakamalaking nagpipinansya sa mga kampanyang pampulitika ng mga reaksyonaryong partidong tulad ng Partido Nacionalista, Partido Liberal at mga organisasyong pampulitika tulad ng mga kamara ng komersyo, organisasyong sibiko at kilusang kleriko. Target ng rebolusyong Pilipino ang malaking burgesyang komprador, at ang pampulitikang aktitud nila ay marahas na salungat sa mga pambansa-demokratikong mithiin ng sambayanang Pilipino. Sila ang uring pinakamabagsik na nagtataguyod sa bawat hakbang sa pulitika, ekonomya, kultura at militar na nagpapanatili at nagpapalala sa imperyalistang paghahari sa lipunang Pilipino.

Mahigpit na kaugnay ng mga komprador at panginoong maylupa ang mga burukratang kapitalista. Ang mga bulok na upisyal na ito ng gobyerno ay nagbibigay ng direktang armadong seguridad sa paghahari ng mga komprador sa kalunsuran at sa paghahari ng mga panginoong maylupa sa kanayunan. Sa ganitong klase ng paghahari, napapairal ng mga burukratang kapitalista ang katiwalian samantalang napoprotektahan ang sarili nilang interes bilang mga komprador at panginoong maylupa. Sa esensya, ang reaksyonaryong estado sa Pilipinas ay magkasanib na diktadura ng mga komprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista.

Nasa kategorya ng burgesyang komprador ang mga manedyer, malaking abogado ng korporasyon, malaking akawntant, kontratista sa paggawa at reaksyonaryong publisista at intelektwal na matataas ang sweldo, na lahat ay direktang nagsisilbi sa internasyonal at lokal na malaking burgesya. Ang kanilang pampulitikang aktitud sa demokratikong rebolusyon ng bayan ay kasindumi at kasinsama ng sa kanilang mga amo.

b. Ang Panggitnang Burgesya

Tinatawag ding pambansang burgesya ang panggitnang burgesya. Sila ang saray na nasa gitna ng malaking burgesyang komprador at petiburgesya. Binubuo sila ng mga bisnesman sa syudad at probinsya na interesado sa "makabansang industriyalisasyon". Sinasaklaw ng interes nila sa ekonomya ang maliit na pagawaan, pangingisda, at maliitang pagmamanupaktura at pati katamtamang negosyo sa pagbebenta at transportasyon at mga "intermedyang" industriyang umaasa nang husto sa imported na hilaw na materyales. Kabilang sa mga produktong minamanupaktura ng pambansang burgesya ang alak, sapatos at balat, tabako't sigarilyo, simpleng kagamitan sa agrikultura, lambat, lubid, langis ng niyog, arina, tela, simento at produktong kongkreto, materyales sa edukasyon, tabla, produkto ng iskrap na metal at napakarami pang iba.

Kinakatawan ng pambansang burgesya ang kapitalistang relasyon sa produksyon sa Pilipinas. Inaapi sila nang husto ng imperyalismo, nagtatambak dito ng mga yaring produkto at nagmamanipula sa mga saligang patakaran ng reaksyonaryong gobyerno tungkol sa buong ekonomya, pera, tuntunin at regulasyon sa taripa, buwis at lokal na pagbebenta ng mga kalakal. Kasabay nito, ang mga kabilang sa pambansang burgesya ay kaugnay ng imperyalismo sa iba't ibang paraan at higpit ng ugnay, sa pamamagitan ng mga kontrata sa pautang, hilaw na materyales, panggatong, patente at iba pa.

Sa pangkalahatan, ang pambansang burgesya ay itinatali ng pyudalismo pero marami rin namang myembro nila ang kabilang sa uring panginoong maylupa. Ang dahilan nito'y umaasa sila sa kanilang lupa bilang kolateral sa pangungutang sa bangko para sa mga proyektong pinamumuhunanan nila. Sa kanilang relasyon sa reaksyonaryong gobyerno, madalas nilang ireklamo ang katiwalian pero sabik din naman silang mapabilang sa mga burukratang kapitalista.

May dalawahang katangian ang pambansang burgesya sa ekonomya ng Pilipinas. Dahil dito, pabagu-bago ang aktitud nila sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Mahina ang basihang pang-ekonomya nila at kung gayo'y mabuway ang kanilang paninindigang pampulitika. Kung minsan, hanggang sa isang antas ay sumasama sila sa mamamayang anakpawis sa pagrerebolusyon laban sa imperyalismong EU at pyudalismo. Kung minsan nama'y sumasama sila sa malaking burgesya sa kontrarebolusyon.

May ambisyon ang pambansang burgesya na maging malaking burgesya at magtayo ng estadong kapitalista sa ilalim ng diktadura ng uri nila. Mahilig gawing halimbawa ng mga nangungunang kinatawan nila ang kapitalistang transpormasyon ng pyudal na Hapon sa Asya, at madalas nilang pag-usapan ang pagsasanib ng mga independyenteng empresa para maging mga higanteng industriya.

Gayunman, ang panggitnang burgesya ay pwede pang sumama sa mga pwersa ng rebolusyong Pilipino sa pana-panahon at limitadong saklaw. Sa panahon na tumutuloy sa ganap na pagbagsak ang imperyalismo at sumusulong sa pandaigdigang tagumpay ang sosyalismo, ang panggitnang burgesya ay hindi makakaiwas sa pagtindi ng pang-aaping imperyalista't pyudal sa isang banda, at sa pagtindi ng paglaban ng rebolusyonaryong masa sa kabilang banda, at hindi rin sila makakapanatiling independyente sa ganitong kalagayan. Napipilitan silang mamili sa rebolusyon o kontra-rebolusyon. Wala na silang pagkakataong paunlarin nang husto ang kapitalismo o maghari sa kasalukuyang estado.

Sa pagkakaroon ng pambansang burgesya ng dalawahang katangian, may Kaliwa at Kanang panig sila. Ang Kaliwang panig ay inaapi nang husto ng paghaharing imperyalista at laging namimiligrong mabangkrap dahil sa dumaraming pagsasanib ng mga dayuhang monopolista, malaking burgesyang komprador at mas mataas na seksyon o Kanang panig ng pambansang burgesya. Dahil gipit, may simpatya sila sa rebolusyonaryong simulain ng masa. Pwede rin nilang pasamahin sa rebolusyon ang panggitnang panig at pangibabawin ang Kanang panig kapag iniipit nang husto ng imperyalismo at pwersang antidemokratiko ang interes ng uri nila. Pero madaling bumaling sa kontrarebolusyon ang Kanang panig dahil takot sila sa masa at mahigpit na nakakabit sa malaking burgesya. Dapat laging maging maingat ang Partido sa paggawa ng patakaran kaugnay ng dalawahang katangian ng pambansang burgesya.

k. Ang Petiburgesya

Ang petiburgesya ang pinakamababa at pinakamalaking saray ng lokal na burgesya. Kabilang sa kanila ang malawak na mayorya ng intelihensya tulad ng mga titser, kabataan-istudyante, propesyonal na maliit ang kita, klerk at mababang upisyal na gobyerno; panggitnang magsasaka; maliit na bisnesman; ekspertong tagayari ng handikrap; kontratista ng karpintero; mangingisdang may sariling maliit na bangkang de-motor at kagamitan; at sanay na manggagawang mataas-taas ang sweldo.

Sa tatlong saray ng lokal na burgesya, ang petiburgesya ang may pinakakaunting ari-arian. Pangunahing katangian nila na medyo nakakasapat sila sa kabuhayan na nagmumula sa pagmamay-ari ng kaunting kasangkapan sa produksyon o pagkakaroon ng ispesyal na treyning o kasanayan. Kung ikukumpara sa pambansang burgesya, mas limitado at sa pangkalahata'y pirmihan ang kita ng petiburgesya at talagang mas inaapi sila ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, at kung gayo'y di hamak na mas progresibo. Importante silang pwersang pampakilos sa rebolusyong Pilipino dahil maaasahang alyado sila ng uring manggagawa.

Dapat nating bigyan ng masusing atensyon ang petiburgesya dahil mapagpasya ang suporta at partisipasyon nila sa demokratikong rebolusyon ng bayan para maikiling ang balanse ng pwersa laban sa pambansang kaaway at mga kaaway sa uri ng sambayanang Pilipino. Tatlo ang antas ng saray nila - nakatataas, panggitna, nakakababa - na matutukoy batay sa kinikita. Bawat antas ng petiburgesya ay may katugong pampulitikang tendensya sa rebolusyong Pilipino.

Kabilang sa nakakataas na antas ang mga nakakapag-ipon ng pera o sobrang butil taun-taon. Sila ang pinakamayaman na mga petiburges at gusto nilang mapabilang sa panggitnang burgesya. Malinaw na naiimpluwensyahan ng burgesya ang kanilang pampulitikang tendensya. Kung gayon, sila ang Kanang panig ng petiburgesya. Madali silang maiimpluwensyahan ng pampulitikang mga pananaw ng burgesya sa mga reaksyonaryong iskwelahan at masmidya; at kung ulit-ulitin nila ang mga pananaw na ito'y para bang galing sa kanila mismo. Sa kanila madalas rikrutin ang mga lokal na lider ng mga reaksyonaryong partido at pati ang mga tagaprobinsyang miyembro ng iba't ibang klab na istilong-Amerikano tulad ng Jaycees, Lions at Young Men's Christian Association o YMCA, at pati mga grupong kleriko tulad ng CSM, Knights of Columbus, Daughters of Isabela, Catholic Women's League, Catholic Action at Cursillo.

Kabilang sa mga panggitnang antas ng petiburgesya ang nakakasuporta sa sarili at kumikita nang sapat lamang para mabuhay. Alalang-alala sila tungkol sa pagkukunan ng kita, sa takot nilang malubog sa hirap. Sa pulitika, naiimpluwensyahan sila ng nakakataas na antas pero naiimpluwensyahan din sila ng naliligalig na nakakababang antas ng petiburgesya. Napakapersonal ng pagmumura nila sa mga imperyalista't lokal na mapagsamantala pero kasabay nito'y pinagdududahan nila ang pagiging epektibo ng rebolusyonaryong kilusang masa. Malakas ang tendensya nilang manatiling "nyutral", pero hindi sila laban sa rebolusyon. Dahil marami sila - di kukulangin sa kalahati ng petiburgesya - kailangan silang makuha sa panig ng rebolusyon para maikiling ang balanse ng pwersa, hindi lamang sa loob ng petiburgesya kundi sa loob din ng buong bansa.

Kabilang sa nakabababang antas ng petiburgesya ang mga talagang pabagsak na ang kabuhayan at taun-tao'y naliligalig sa kanilang depisit sa kwenta. Para maremedyuhan ang kakulangan nila sa pera, nangungutang sila sa mga kamag-anak at kaibigan o nagsasangla ng ari-arian sa mga usurero. Ang paghihirap nila ngayon ay nagiging mas mapait kapag naaalala nila ang dati nilang ginhawa. Nababalisa sila nang husto sa nakikitang paliit nang paliit na kabuhayan. Malaking parte sila ng petiburgesya at may tendensya silang tanggapin ang rebolusyon at sang-ayunanang kawastuan ng pagsama rito. Sila ang Kaliwang panig ng petiburgesya. Sa panahon ng krisis o gera, nagiging litaw at malaki-laking pwersa sila na mabilis na lumalahok sa rebolusyonaryong kilusang masa. Sa pagsulong nila'y natatangay ang panggitna at kahit ang nakakataas na antas ng petiburgesya. Kahit sa panimulang yugto, importanteng maglunsad ng gawaing pampulitika sa mga malamay-aring magsasaka na bumubuo sa nakabababang saray at Kaliwang panig ng petiburgesya ng nayon, o lalong bumabagsak sa katayuan ng malaproletaryado o maralitang magsasaka.

Sa yugtong ito, malinaw na kung gaano kaimportanteng pukawin at mobilisahin ang mga intelektwal na mababa ang kita, at ang mga kabataang istudyante, na bumubuo sa malawak na mayorya ng petiburgesya ng lungsod. Sa kalunsuran at kanayunan, gipit na gipit sila sa kabuhayan dahil kailangang nilang pag-aralin ang kanilang mga anak sa hayskul at kolehiyo bilang inaasahang paraan ng pagmamantini o pagpapabuti ng kanilang katayuan.

Sa iba't ibang sektor ng petiburgesya, ang intelihensya (kabataang istudyante, titser, propesyonal, at intelektwal na maliit ang kita) ang pinakaimportante at pinakamapagpasya sa paghahanda ng opinyong publiko na pabor sa rebolusyong Pilipino sa pambansang saklaw. Ang kabataang istudyante at mga titser ay pwedeng sumama sa taliba ng rebolusyon sa kultura para wasakin ang superistrukturang sumasakal sa bansa at nagpapanatili sa mapagsamantalang sistema. Nasa mahusay silang pusisyon para maisagawa ang tungkuling ito dahil may matalas silang pandama sa pulitika, pinakamalaking parte sila ng intelihensya at sila ang pinakalaganap, pero nakakonsentra naman sila sa mga iskwelahan sa mga partikular na lugar sa lungsod at sa nayon. Madali nilang maihahatid ang rebolusyonaryong propaganda at maaabot ang masa sa buong kapuluan nang higit sa kakayanan ng mga reaksyonaryo na pigilin ang katotohanan tungkol sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Ito ang dahilan kung bakit importanteng-importante na magsagawa ng rebolusyonaryong propaganda at maglunsad ng rebolusyonaryong gawain sa kanila.

Karamihan sa kabilang sa intelihensya ay may napakaliit na pirmihang kita at sa gayo'y masyado silang inaapi ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Karamihan sa mga titser ay tumatanggap ng sweldong halos hindi magkasya at marami sa kanila ang natatakot mawalan ng trabaho dahil sa mga kapritso ng sistema. Karamihan sa mga istudyante ay natatakot ding huminto sa pag-aaral o hindi makakita ng trabaho pagkagradweyt. Umaasa sila sa kani-kanilang pamilya na karamiha'y petiburges at walang gaanong maipapamana sa kanila. Marami-rami rin ang istudyante sa syudad na habang nag-aaral ay nagtatrabahong klerk, katulong sa bahay, drayber o manggagawa sa pabrika para kumita ng ikabubuhay at maipapangmatrikula; nagmumula sila sa mga pamilyang proletaryo o magsasaka. Ang mga intelektwal at propesyonal na maliit ang kita ay dumaranas din ng hirap sa kabuhayan tulad ng karamihan sa kabilang sa intelihensya. Sa pangkalahatan, ang rebolusyonaryong propaganda ay tanggap na tanggap ng intelihensya.

Katulad noong panahon ng lumang demokratikong rebolusyon, nang kabilang ang kabataang istudyante sa nangunguna sa kilusang propaganda, kabilang na naman sila sa nangunguna sa kilusang propaganda sa kasalukuyang pakikibaka para sa demokrasyang bayan. Noong dekadang 1960, naging tampok ang rebolusyonaryong aktibismo ng mga kabataang istudyante na sa kasalukuyang dekadang 1970 ay mas masigla pang umuunlad, sa porma ng palaki nang palaki at militanteng mga demonstrasyong magkakasamang nilalahukan ng intelihensya at mga manggagawa't magsasaka, at pati sa porma ng mga pangkat ng istudyante sa propaganda at imbestigasyon na nagpupunta sa mga pabrika, sakahan at ibang iskwelahan para maglunsad ng gawaing masa sa mas malawak na saklaw. Ang kabataang istudyante ay importanteng pwersang katulong ng proletaryado sa pagpapalaganap ng rebolusyonaryong propaganda sa pambansang saklaw.

Hindi pwedeng isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan kung walang partisipasyon ng mga rebolusyonaryong intelektwal. Gayunman, dapat kilalanin na katangian ng mga intelektwal ang pagiging suhetibo, indibidwalista, mapusok o matatakutin dahil sa kanilang petiburges na uring pinagmulan, kundisyon ng pamumuhay at pananaw sa pulitika. Madali silang matangay ng mga kontrarebolusyonaryong ideya, kabilang ang modernong rebisyonismong ideya tulad ng kina Che Guevarra, Herbert Marcuse at Regis Debray. Mapapangibabawan lamang nila ang kanilang mga kahinaan at kakulangan sa pamamagitan ng puspusan at matagalang paglahok sa mga pakikibakang masa. May magiging pasibo sa kanila at magiging kaaway pa nga ng rebolusyon ang ilan, pero ang iba naman ay magbabago't magwawasto ng kanilang kaisipan at mananatili sa hanay ng mga rebolusyonaryo. Dapat laging maging alisto ang proletaryado sa kanilang mga kahinaan.


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.