Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Ikatlong Kabanata: Ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


3. Ang Uring Magsasaka

Lahat ng magsasaka ay nagbubungkal ng lupa, at ito ang ikinaiiba nila sa lahat ng iba pang uri. Sila ang kalakhang pwersa sa pambansang ekonomya. Magsasaka ang pitumpu't limang porsyento (75%) ng buong populasyon ng Pilipinas. May tatlong saray ang uring ito: mayamang magsasaka, panggitnang magsasaka at maralitang magsasaka.

a. Ang Mayamang Magsasaka

Ang mga mayamang magsasaka ay tinatawag ding burgesya ng nayon at limang porsyento sila ng populasyon ng nayon. Karaniwa'y pag-aari nila ang kanilang sinasaka at bukod dito'y may sobra silang lupa. Kung hindi naman, parte lamang ng kanilang sinasaka ang pag-aari nila at inuupahan ang iba, o wala silang sariling lupa at umuupa ng malaki-laking lupa. Sa pagbubungkal nila mismo ng lupa at sa pagsasamantala nila sa ibang tao sa sobrang parte ng lupang pag-aari o inuupahan nila, nakakakuha sila ng butil o pera na lampas sa kanilang taunang gastos.

Kahit sila mismo'y nagtatrabaho, nagsasamantala sila sa pamamagitan ng pag-upa ng manggagawang bukid o pagpapaupa ng isang parte ng lupa nila sa mga maralitang magsasaka. Mas marami at mas mahusay ang kanilang kagamitang pansaka at mas marami rin ang kanilang hayop na pantrabaho. Mas marami silang kapital na magagamit sa pagpapabuti ng ani sa pamamagitan ng abono at pestisidyo, at pagpapaunlad ng kanilang bukid sa pamamagitang ng patubig. Bukod sa pag-upa ng manggagawang bukid o pangungulekta ng upa sa lupa, ginagawa rin nila ang iba pang porma ng pagsasamantala tulad ng pang-uusura, pagpapaupa ng hayop na pantrabaho at kagamitang pansaka, pagtitinda at iba pa. Kinakatawan nila ang malapyudalismo sa baryo at madali nilang gayahin ang opinyon ng maliliit na panginoong maylupa o maliliit na komersyante.

Ang mga mayamang magsasaka ay nagiging panginoong maylupa kapag umaasa sila nang buong-buo o pangunahin sa kinikita nila sa pag-upa ng lakas-paggawa ng iba, pagkakaroon ng mga kasama, pang-uusura, pagpapaupa ng mga hayop na pantrabaho at kagamitang pansaka o pagiging katiwala o administrador ng mga asyenda o lupang komunal. Kapag tumitindi ang reaksyon sa mga partikular na lugar, ang ilang mayamang magsasaka ay nag-aastang mga lokal na tirano at nagiging panatikong tuta ng mga despotikong panginoong maylupa. Laging nagtatangka ang uring panginoong maylupa na gawing instrumento ang mga mayamang magsasaka para magamit ang mga "konseho ng baryo" at mag-organisa ng mga armadong gang laban sa mga rebolusyonaryong magsasaka. Ang patakaran natin ay biguin ang pagtatangka ng mga panginoong maylupa at kamtin ang nyutralidad man lamang ng mga mayamang magsasaka sa rebolusyon.

Bilang pangkalahatang tuntunin ay dapat kilalanin na mapapakinabangan sa isang takdang panahon ang porma ng produksyon ng mayamang magsasaka. Dapat mahigpit na iwasan ang di-napapanahong patakaran ng pagpawi sa pormang ito ng produksyon. Makakatulong ang mga mayamang magsasaka sa antiimperyalistang pakikibaka ng masang magsasaka at makakapanatili silang nyutral sa rebolusyong agraryo laban sa mga panginoong maylupa. Hindi dapat na basta na lamang ituring na panginoong maylupa o napakayaman ang mga mayamang magsasaka. Sa kabilang banda, dapat pairalin ang pangkalahatang patakaran na hikayatin silang magkontribusyon ng butil o pera sa rebolusyon. Kasabay nito, dapat gumawa ng mga tiyak na hakbang para ang pampulitikang paghahari nila sa baryo ay mapalitan ng pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng Partido, ng malaproletaryado at ng nangungunang mga aktibista mula sa panggitnang magsasaka. Dapat ding gumawa ng hakbang para makapag-ingat sakaling kalabanin nila ang rebolusyon. Gayunman, hindi dapat ituring agad na kataksilan ang oportunismo ng mga mayamang magsasaka sa harap ng kaaway. Dapat pakiharapan ang mga sadyang gumawa ng grabeng pinsala, o umutang ng buhay sa rebolusyonaryong masa, batay sa pagsusuri sa bawat kaso.

b. Ang Panggitnang Magsasaka

Ang mga panggitnang magsasaka ay matatawag na petiburgesya ng nayon at mga labinlima hanggang dalawampung porsyento (15%-20%) sila ng populasyon ng nayon. Karaniwa'y may-ari sila ng humigit-kumulang ay nakakasapat sa kanila. Kung hindi nama'y parte lamang ng lupa ang pag-aari nila at inuupahan ang iba, o wala silang anumang pag-aaring lupa at inuupahan nila ang lahat ng lupang sinasaka nila. Pero sa anu't anuman, sa sariling paggawa sila pangunahing umaasa para magkaroon ng kitang nakakasapat sa kanila. Paminsan-minsan ay nagsasamantala sila pero kaunti lamang at hindi rito nanggagaling ang kanilang regular o pangunahing kita. May sapat silang kagamitang pansaka, pera para sa gastos na pang-agrikultura at isang hayop man lamang na pantrabaho. Dahil nakakasapat ang kita ng panggitnang magsasaka, hindi nila kailangang magbenta ng lakas-paggawa. Pwedeng may ispesyal na kakayahan ang ilang miyembro ng kanilang pamilya pero magtatrabaho lamang sila para magkaroon ng dagdag na kita para nang sa gayo'y makapagpaayos sila ng bahay o makapagpaaral.

May tatlong antas ang panggitnang magsasaka. Ang mga nasa nakakataas na antas ay may lupang sobra nang kaunti sa sapat, o umaani o may parte sa ani na sobra nang kaunti sa sapat para sa kanilang pamilya. Gusto nilang maging mayamang magsasaka at kung gayo'y may tendensya silang tularan ang pampulitikang aktitud ng mga ito. Ang mga kabilang sa gitnang antas ng panggitnag magsasaka ay may lupa o kitang hustung-husto lamang sa kanila. Sinisikap nilang kumita ng kaunti pa, sa tangkang maging nakatataas-na-panggitnang magsasaka at para maiwasan ang pagkakautang. Kung minsa'y nakakautang sila pero nakakaraos pa rin. Sa mga panahong tahimik, may tendensya silang sumunod sa opinyon ng nakakataas-na-panggitna at mayamang magsasaka. Pero madali silang sumunod sa opinyon ng mga nakabababang panggitna at maralitang magsasaka kapag papahirap ang sitwasyon o malakas ang agos ng rebolusyonaryong kilusan. Ang mga kabilang sa nakabababang antas ng panggitnang magsasaka ay lagi nang naliligalig ng kakulangan at mababang kalidad ng kanilang lupa, ng kakulangan nila sa pera at ng patung-patong nilang mga utang. Kumakatok sa kanilang pintuan ang mga usurero para ideklarang iniilit na ang kanilang isinangla at ipaalam ang bago nilang katayuang maralitang magsasaka.

Simpleng-simpleng mamuhay ang mga panggitnang magsasaka para mapagkasya ang kita. Pero madalas nagugulo ang kanilang buhay dahil sa mahinang ani o malubhang pagkakasakit sa pamilya. Gayunman, habang mabilis na lumalala ang krisis sa lipunang Pilipino, mabilis na nababangkrap ang lahat ng panggitnang magsasaka, nakatataas man, gitna o nakabababa. Walang awang iniipit sila ng papataas na gastos sa produksyong pang-agrikultural at presyo ng mga pangunahing kalakal.

Ang mga panggitnang magsasaka ay handang sumama sa anti-imperyalistang pakikibaka at sa rebolusyong agraryo dahil sa pang-aapi at pagsasamantalang direktang dinaranas nila. Napakaimportanteng magsagawa ng rebolusyonaryong propaganda sa kanila. Ang positibo o negatibong aktitud nila ay isang mapagpasyang salik sa tagumpay o pagkatalo, hindi lamang sa kanayunan kundi sa buong bayan. Kailangang-kailangan ang masiglang suporta nila sa pagbubunsod ng rebolusyong agraryo at dapat nating tandaan na pagkatapos ng rebolusyong agraryo ay magiging panggitnang magsasaka ang mayorya ng populasyon ng nayon. Inaayunan at matatanggap ng mga panggitnang magsasaka ang kooperasyon sa agrikultura at ang sosyalismo. Kung gayon, maaasahan silang alyado ng proletaryado at importanteng pwersang pampakilos sa rebolusyong Pilipino.

k. Ang Maralitang Magsasaka

Kasama ng mga manggagawang bukid, ang mga maralitang magsasaka ay mga pitumpu't lima hanggang walumpung porsyento (75%-80%) ng populasyon ng nayon. Kasama ng mga malamay-aring magsasaka, kabilang ang mga maralitang magsasaka sa kategorya ng malaproletaryado. Karaniwa'y wala silang pag-aaring lupa at kasama lamang ng panginoong pyudal. Pwedeng may kapirasong lupa ang ilan sa kanila pero balewala rin ito dahil pangunahing nakaasa ang kabuhayan nila sa pagiging kasama. May ilan silang kagamitang pansaka at marami sa kanila ang humihiram o umuupa lamang ng hayop na pantrabaho. Ang pangunahing porma ng pagsasamantalang dinaranas ng mga maralitang magsasaka ay ang regular na pagbabayad ng upa sa lupa na katumbas ng kalahati ng kanilang ani o higit pa. Ito ang saray ng uring magsasaka na nabibiktima nang husto ng pang-uusura at iba pang porma ng pyudal na pang-aabuso. Sa maraming kaso, dinadaya sila ng mga panginoong maylupa sa pagkekwenta ng gastos na pang-agrikultura. Kung ikukumpara sa iba pang saray ng uring magsasaka, mas kailangang punuan ng mga maralitang magsasaka ang kakarampot nilang parte sa ani sa pamamagitan ng pagtatanim ng iba pang halaman, pag-aalaga ng manok o baboy, pangingisda, paggawa ng handikrap, paglalako o pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa bilang manggagawa sa konstruksyon o sakada. Madalas ay obligado ang mga maralitang magsasaka na magbenta ng lakas paggawa sa loob ng isang takda at mahaba-habang panahon, di tulad ng mga panggitnang magsasaka na paminsan-minsan o bahagya lamang nagbebenta ng lakas paggawa. Sa pangkalahata'y hindi sapat ang pondo ng mga maralitang magsasaka para sa kanilang ikabubuhay at gastos na pang-agrikultura. Madalas silang humihingi ng tulong sa mga kamag-anak at kaibigan o nangungutang sa mga panginoong maylupa at usurero na ang ginagamit na garantya ay ang ani nila.

Ang mga maralitang magsasaka at ang higit na nakararaming mayorya ng malamay-aring magsasaka ang pinakamalaking pwersang pampakilos sa rebolusyong Pilipino. Ang problema sa lupa ang esensyal nilang problema. Kung gayon, ito ang pangunahing problema ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Sa rebolusyonaryong paglutas sa problemang ito, pinupukaw at minomobilisa ang pinakamalaking pwersa sa lipunang Pilipino para madurog hindi lamang ang mga panginoong maylupa kundi pati ang mga imperyalista, malaking burges na komprador at burukratang kapitalista. Lahat sila ay matagal nang nagsasabwatan para manatiling alipin ang uring magsasaka. Ang lahat ng batas sa "reporma sa lupa" na pinagtibay ng mga kontrarebolusyonaryong ito ay sinadya para patatagin ang katayuan ng mga mapagsamantala sa masang magsasaka sa malakolonyal at malapyudal na lipunang ito.

Ang uring magsasaka, ibig sabihi'y ang mga maralita at panggitnang magsasaka, ang likas at pinakamaaasahang alyado ng proletaryado at ang kalakhang pwersa ng rebolusyong Pilipino. Sa pamumuno lamang ng proletaryado makakalaya ang uring magsasaka sa mga mapang-api, at sa pagpanday lamang ng pinakamatatag na pakikipag-alyansa sa kanila mapapamunuan ng proletaryado ang rebolusyong Pilipino sa tagumpay. Sa uring magsasaka lamang maramihang makukuha ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado ang malalakas na armadong pangkat. Sa esensya, ang demokratikong rebolusyon ng bayan ay gerang magsasaka dahil ang pangunahing pwersang pampulitika nito ay ang uring magsasaka, ang pangunahing problema nito ay ang problema sa lupa, at ang pangunahing mapapagkunan nito ng mga Pulang mandirigma ay ang uring magsasaka.

Sa suporta ng uring magsasaka, masasamantala nang husto ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado at ng hukbong bayan ang tagibang na pag-unlad ng lipunang Pilipino. Ang kanayunang pinagtatrabahuhan ng uring magsasaka ay magagawang malawak na karagatang paglulunuran ng mga kaaway ng rebolusyong Pilipino. Doon muna tinatalo ng rebolusyonaryong pwersa ang mga kontrarebolusyonaryo bago tuluyang agawin ang kapangyarihan sa kalunsuran. Sa kanayunan may pinakamalawak na lugar para makapagmaniobra ang mga rebolusyonaryo, dahil walang magagawa ang mga kontrarebolusyonaryo kundi ikonsentra ang pwersa nila para idepensa ang mga syudad na sentro ng kanilang kapangyarihang pang-ekonomya at pampulitika, at para gwardyahan din ang pangunahin nilang linya ng komunikasyon at transportasyon. Isa pa, habang sumisidhi ang rebolusyonaryong kilusan, nagiging mas matindi at mas marahas ang pagtutunggalian ng mga paksyon ng mga kontrarebolusyonaryo, kaya mapipilitan ang alinmang paksyong nasa kapangyarihan na ipirmi ang piling pwersa nila sa syudad o sa mga reserbang kampo para maidepensa sila sa mga kudeta.

Dapat pagsikapan ng proletaryado na magbuo ng isang rebolusyonaryong nagkakaisang prente na antipyudal para mamobilisa nang husto ang rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan. Dapat silang makipagkaisa sa mga maralitang magsasaka, nakabababang-panggitang magsasaka at manggagawang bukid na pinakamaaasahan nilang alyado. Makukuha naman ng mga ito ang buong saray ng panggitnang magsasaka para manyutralisa ang mga mayamang magsasaka at maihiwalay ang uring panginoong maylupa at iba pang lokal na tirano.

4. Ang Proletaryado

Tinutukoy na proletaryado, una ang mga manggagawa sa industriya at pangalawa ang iba pang sumasahod. Isa itong uri na nawalan na ng anumang kasangkapan sa produksyon at kailangang magbenta ng lakas-paggawa sa mga kapitalistang may-ari ng mga kasangkapan sa produksyon. Pinagsasamantalahan sila sa pamamagitan ng pwersahang paglikha ng sobrang halaga kapalit ng kakarampot na sahod na napakaliit kung ikukumpara sa sobrang halaga na kinukuha ng mga kapitalista.

Dahil sa malakolonyal at malapyudal na kalikasan ng lipunang Pilipino ngayon, maliit ang proletaryadong industriyal sa Pilipinas kung ikukumpara sa uring magsasaka. Mga labinlimang porsyento (15%) sila ng kabuuang lakas-paggawa sa Pilipinas. Isang milyon, walong daang libo (1,800,000) hanggang dalawang milyon (2,000,000) sila.

Ang mga manggagawa sa industriya ay nagtatrabaho sa mga sasakyang panlupa, sasakyang pandagat at tren; minahan; trosohan at tablerya; asukarera; koprahan; pahagutan ng abaka; planta ng public utilities; kumpanyang nagpoproseso ng pagkain; planta ng mga inumin at alak; pagawaan ng katad at sapatos; pabrika ng tela; imprenta; empresa sa pangangalakal; pabrika ng mga kemikal at gamot; pabrika ng sabon at kosmetik; repinerya ng langis; pabrika ng arina; planta ng simento; pabrika ng papel; plantang nagpoproseso ng iskrap na metal at asero; at iba pang empresa at linya ng industriya. Ang mga empresang pinakaistratehiko at pinakamalaki ay pag-aari at kontrolado ng mga monopolyong empresa ng EU. Kung hindi naman, ang may-ari ay ang lokal na malaking burgesya at ang panggitnang burgesya na sa kabuua'y sekundaryo ang papel na ginagampanan sa ekonomya.

Ang mga manggagawa sa industriya ay masyadong inaapi at pinagsasamantalahan ng imperyalismong EU, lokal na kapitalismo at pyudalismo. Wala naman talagang naitutulong sa kanila ang tinatawag na Magna Karta sa Paggawa. Isa lamang itong pangkonsesyon at mapanlokong kapirasong papel na inilabas ng mga kontrarebolusyonaryo pagkaraang supilin nang buong bangis ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang Konggreso ng mga Organisasyon sa Paggawa (Congress of Labor Organizations o CLO). Ang mga manggagawa ay tumatanggap ng mababang sahod na lalo pang pinabababa ng patuloy na implasyon, at pinagkakaitang tamasahin ang mga minimum na karapatang tulad ng pag-uunyon, seguridad sa trabaho, bayad kapag namatay o nasaktan, bayad sa obertaym, sahod kapag nanganganak o nagkakasakit, regular na pagpapadoktor at pagpapadentista, pensyon kapag nagretiro at iba pa. Walang awang iniaamba at ginagamit sa kanila ang hukbo, pulisya, mga korte at bilangguan tuwing mag-aalsa sila para igiit ang kanilang mga karapatan. Ang sobrang dami ng walang trabaho at kulang ang trabaho dahil sa pagkalahatang pagkaatrasado ng ekonomya ay laging ginagamit ng mga mapagsamantala para pagbantaan, patalsikin at palitan ang mga manggagawa, at para panatilihing mababa ang sahod nila at panatilihin silang naghihirap.

Bago magbigay ng anumang konsesyon ang mga reaksyonaryong kapitalista, niloloko muna nila nang husto ang mga manggagawa, at kapag nabigo sila ay ginagamit nila ang mabangis na pwersa ng kontrarebolusyonaryong estado. Ang mga upisyal ng reaksyonaryong gobyerno ay kinukuhang abogado, sinusuhulan at binibigyan ng iba pang ispesyal na pribilehiyo para supilin ang mga welga ng manggagawa. Pumapasok din sa usapan ang mga kontratista sa paggawa para iligaw ang mga manggagawa sa pamamagitan ng direktang pagbebenta ng kaso nila, o sa pamamagitan ng paglilimita sa kanilang pakikibakang pang-ekonomya sa walang kakwenta-kwentang kolektibong kasunduan sa paggawa, at sa pamamagitan ng pagpigil sa mga manggagawa na itaas ang kanilang makauring kamulatan. Ang mga mapagsamantala ay nagbibigay lamang ng konsesyon sa isang grupo ng mga manggagawa kapag wala na silang magawa sa harap ng makapangyarihang pagkakaisa ng mga manggagawa. Pero hinding-hindi sila tumitigil sa paghahanap ng mga paraan para mabawi ang naibigay at mapatindi ang pagsasamantala sa proletaryado at iba pang anakpawis.

Bukod sa mga manggagawa sa industriya, may mga manggagawang bukid na pangunahi'y nagtatrabaho sa malalaking tubuhan, niyugan, taniman ng mga halamang pinagkukunan ng hibla, taniman ng mga prutas tulad ng dalanghita, pinya't saging, at gulayan. Sila ang nagtatrabaho sa loob ng pinakamaraming oras, tumatanggap ng pinakamababang sahod at dumaranas ng pinakamasahol na kundisyon. Pinagsasamantalahan sila ng mga imperyalista, panginoong maylupa, kontratista sa paggawa at usurero. Tulad ng mga manggagawa sa industriya, tumatanggap ng sahod ang mga manggagawang bukid at wala silang pag-aaring kasangkapan sa produksyon. Sila ang proletaryado ng nayon.

Ang proletaryado sa industriya ang pinakaabanteng pwersa sa produksyon sa Pilipinas ngayon. May internasyunal silang kaugnayan sa pinakaabanteng pwersa sa produksyon sa mga bayang imperyalista at sa buong mundo. May kaugnayan sila sa sosyalismo, ang pinakaabanteng porma ng ekonomya. Sa buong kasaysayan ng sangkatauhan, ang proletaryado ang lumitaw na pinakaabanteng pwersa sa produksyon sa pamamagitan ng paglikha sa mga modernong kasangkapan sa malakihang produksyon. Batay sa katayuan nila sa ekonomya at karanasan sa pulitika, sila ang naging pinakaabanteng pwersang pampulitika sa buong mundo at sa buong bansa. Naging malinaw na malinaw ang katotohanang ito ngayong panahon ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong, nang tumutuloy sa ganap na pagbagsak ang imperyalismo at sumusulong sa pandaigdigang tagumpay ang sosyalismo.

Ang proletaryadong Pilipino ay hindi lamang saligang pwersang pampakilos sa rebolusyong Pilipino, kundi namumunong pwersa din sila. Sila ang tagapagbandila ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong, ang rebolusyonaryong ideolohiyang proletaryo na gumagabay sa kasalukuyang demokratikong rebolusyon ng bayan at gagabay sa kasunod na rebolusyong sosyalista. Sa masang anakpawis, may Partido Komunista ng Pilipinas ang proletaryado para kumatawan sa pamumuno ng uri nila. Sila ang uring pwedeng magkaroon ng komprehensibong pagsapol sa materyalistang pilosopiya, materyalismong diyalektiko't istoriko, ekonomyang pampulitika, syensyang panlipunan, digmang bayan, pagbubuo ng partido at dakilang proletaryong rebolusyon sa kultura.

Ang mga manggagawa ang pinakakonsentradong uri sa lipunang Pilipino ngayon; sama-sama silang nagtatrabaho nang maramihan araw-araw. Matindi ang kanilang pandama sa organisasyon at disiplina. Magagamit nila ang mga welga para mapanday ang pamumuno ng uri nila, at maihahanda sila sa pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika kasama ng uring magsasaka at iba pang pinagsasamantalahang seksyon ng sambayanan. Sa paglulunsad ng mga pangkalahatang welgang ikinoordina sa hukbong bayan, pwede nilang paralisahin o ibagsak ang mga kaaway nila sa uri.

Dahil wala silang pribadong kasangkapan sa produksyon at pinagdaranas sila ng pinakamabangis na pang-aapi't pagsasamantala, lagi silang handang gamitin ang pamumuno ng uri nila at pabagsakin ang mga mapang-api't mapagsamantala sa sambayanang Pilipino.

Dahil bata pa ang proletaryadong Pilipino kung ikukumpara sa proletaryado ng mga bayang imperyalista, mayroon silang mahigpit at matibay na likas na kaugnayan sa uring magsasaka. Galing sa pamilyang magsasaka ang karamihan sa mga manggagawang Pilipino. Nagagamit nila nang husto ang mga baryong pinagmulan nila at mga kamag-anak sa iba't ibang lugar sa Pilipinas sa paglulunsad ng digmang bayan. Sa kasalukuyan, parami nang paraming manggagawa ang nagpupunta sa kanayunan para sumama sa uring magsasaka sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Sa mga empresang nasa kanayunan, tulad ng minahan, linya ng transportasyon, trosohan at tablerya, plantasyon, planta ng simento at iba pa, ang mga manggagawa ay mahigpit na kaugnay ng masang magsasaka at madaling maakit sa rebolusyonaryong simulain.

Ang proletaryadong Pilipino ay may maningning na kasaysayan ng rebolusyonaryong pakikibaka. Kahit wala pang kamalayan ang mga manggagawang Pilipino sa Marxismo, ang rebolusyonaryong ideolohiya nila, inumpisahan nila at masiglang nilahukan sa pamumuno ni Andres Bonifacio, ang lumang pambansa-demokratikong rebolusyon. Noong Digmaang Pilipino-Amerikano, ang unang unyon ay itinatag ng mga manggagawa sa imprenta ng upisyal na dyaryo ng rebolusyonaryong gobyerno. Pagkaraang matalo ng imperyalismong EU ang gobyernong Aguinaldo, buong tapang silang nagpatuloy sa pagtatag ng mga unyon sa kabila ng mababangis na pagsalakay na isinagawa ng mga imperyalista at mga lokal na alipuris ng mga ito para supilin sila.

Nang hindi mapigil ng mga imperyalista ng EU ang proletaryado, tinangka ng mga ito na hatiin sila sa pamamagitan ng pagpapalaganap dito ng reaksyonaryong dilawang unyonismo ng AFL at sa pamamagitan ng pagtataguyod ng matinding damdaming anti-Bolshevik pagkaraang magtagumpay ang Rebolusyong Oktubre. Kahit ginagamitan ng pinagkumbinasyong pwersa at panloloko ang Partido Komunista ng Pilipinas, itinatag ito noong 1930, hudyat ng pormal na pag-uumpisa ng pagsasanib ng teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo at ng kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino. Mula noon ay lalong naging mabagsik ang imperyalismong EU at mga lokal na alipuris nito sa pagsalakay sa mga rebolusyonaryong manggagawa at sa paggamit ng lahat ng klase ng panloloko para salakayin sila at para samantalahin din ang mga panloob na kahinaan ng partido.

Ilang buwan lamang pagkaraang itatag ang Partido, mabangis na sinalakay ito ng mga imperyalista ng EU sa pamamagitan ng papet na pangkatin ni Quezon at papet na konstabularya. Noong 1935-41, ang mga pampulitikang kinatawan ng burgesya na pinamumunuan ni Vicente Lava ay pumasok sa Partido para ilatag ang pundasyon ng kontrarebolusyonaryong linya rebisyonista nina Lava at Taruc. Lalong naging litaw ang linyang ito noong 1938 nang buung-buong magsanib ang Partido Komunista at Partido Sosyalista.

Noong gera laban sa Hapon, lumakas ang proletaryado at Partido Komunista ng Pilipinas nang pamunuan nila ang uring magsasaka sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Pero nang bumalik ang mga imperyalista ng EU noong 1945, ang mga kontrarebolusyonaryong rebisyonistang ahente ng burgesya, sina Lava at Taruc, ay nagmaniobrang dalhin ang Partido sa maling landas ng parlamentaryong pakikibaka at pumayag na bawiin ng imperyalismong EU at pyudalismo ang mga lugar na may natamo nang makabuluhang demokratikong tagumpay ang mga manggagawa't magsasaka.

Sa kabila ng patagong pagtutol nila Lava at Taruc, inumpisahan uli ang armadong pakikibaka sa paggigiit ng rebolusyonaryong masa. Ang mga kontrarebolusyonaryong ahente ng burgesya na pinamumunuan nina Jose Lava sa loob ng Partido ay pakunwaring nagtangkang magkamit agad ng tagumpay militar sa loob ng dalawang taon, at tinalukuran nila ang prinsipyong bai-baitang na buuin ang lakas-panlaban ng mamamayan sa loob ng mahabang panahon, at sa gayo'y sinabotahe nila ang rebolusyon, kasama ng mga imperyalista ng EU, malaking burges na komprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista na naglunsad ng mababangis na kampanya ng "pagkubkob at panunupil" laban sa sambayanan at sa Partido. Noong 1951, winasak ng papet na estado ang pinakamalaki at pinakamalakas na kilusang unyon, ang CLO, sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng klase ng teroristang pang-aabuso sa mga upisyal at myembro nito. Nang mawasak na ang demokratikong organisasyong ito, saka lamang inilabas ng mga reaksyonaryo ang tinatawag na Magna Karta sa Paggawa para mapayagan ang mga ahente ng papet na estado na iligaw ang mga maililigaw sa mga manggagawa.

Pagkatapos mapahamak sa mga pagkatalong militar ang mga kontrarebolusyonaryong ahente ng burgesya sa loob ng Partido, sina Lava at Taruc, gumawa sila ng sunud-sunod na hakbang sa pagsurender. Sumurender si Luis Taruc noong 1954, gayundin si Jesus Lava noong 1964. Nasabotahe ang rebolusyonaryong kilusang masa dahil matagal na nangibabaw sa loob ng lumang Partido Komunista ang kanilang kontrarebolusyonaryong linyang rebisyonista. Hindi lamang nabigong mang-agaw ng kapangyarihan ang lumang Partido Komunista, kundi nabigo rin itong iligtas ang sarili para maipagpatuloy ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Ang proletaryado ay binibiktima ng mga dilawang bos ng unyon at iba pang klase ng manggagantso. Matagal na rin silang tinatangkang iligaw ng upisyal o "attache" sa paggawa ng embahada ng EU, CIA, AID, mga representante ng AFL-CIO, International Confederation of Free Trade Unions o ICFTU at Internasyonal na Organisasyon sa Paggawa (International Labor Organization o ILO), mga pundasyon ng EU (Asia, Rockefeller, Ford at iba pa), Asian Labor Education Center o ALEC, Institute of Social Order, Sentro ng Unyonismo sa Pilipinas (Philippine Trade Union Center o PTUC), Federation of Free Workers o FFW, Philippine Transport and General Workers Organization o PTGWO at napakarami pang ibang dilawang pangkat.31 Gayunma'y wala pang sampung porsyento (10%) ng uring manggagawang Pilipino ang nakokontrol sa lahat ng mga huwad na unyong hawak ng mga magnanakaw na binibigyan ng treyning, ikinakalat at binabayaran ng mga anti-komunista at antiproletaryong organisasyong ito. Malinaw na ang mga manggagawa ay maoorganisa at mamomobilisa lamang sa teoretikong gabay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong at sa praktikal na liderato ng rebolusyonaryong partidong proletaryo, ang Partido Komunista ng Pilipinas.

Ang Malaproletaryado

Isang saligang katangian ng malakolonyal at malapyudal na bayan ang katotohanan na maraming walang hanapbuhay. Sa populasyon ng Pilipinas na tatlumpu't pitong milyon (37,000,000), may reserbang hukbo ng paggawa na tatlong milyong (3,000,000) walang hanapbuhay at pitong milyong (7,000,000) walang sapat na hanapbuhay. Buong kasinungalingang itinatago ito ng reaksyonaryong gobyerno sa pamamagitan ng paglalabas ng mga palsipikadong datos tungkol sa kundisyon ng kawalan ng hanapbuhay. Artipisyal nitong itinuturing na may sapat na hanapbuhay ang milyun-milyong taong kabilang sa malaproletaryado.

Natalakay na ang tungkol sa pagkarami-raming maralitang magsasaka at malamay-aring magsasaka na kabilang sa malaproletaryado. Bukod sa kanila, may iba pang seksyon ng malaproletaryado na malaki-laking parte ng populasyon. Pinakamarami sa kanila ang mga maralitang mangingisda sa baybay ng mga dagat at lawa. Kadalasa'y nasa mga kabayanan at kalunsuran ang iba pang malaproletaryado.

Nahihirapan ang mga malaproletaryado dahil wala silang ari-arian, di sapat ang kanilang sahod, di regular at kulang ang kita nila, at wala silang seguridad. Nandiyan ang mga may simpleng kasangkapan lamang tulad ng maliliit na tagayari ng handikrap, karpintero't kantero, maliliit na potograper, naglilibot na taga-kumpuni at maralitang mangingisda. Nariyan ang mga may kaunting pondo na nagagamit para maghanapbuhay bilang mga naglalako at may-ari ng maliliit na tindahan. Nariyan ang wala kahit ano kundi ang ibinebentang lakas-paggawa tulad ng mga kargador sa pyer sa probinsya, kargador sa palengke, katulong sa tindahan, aprentis sa talyer, drayber ng traysikel, ilang drayber ng dyip, katulong sa bahay o sa restawran at iba pa. Dahil sa malakolonyal at malapyudal na kundisyon, hindi sila matanggap na regular na sahuran sa mga empresa sa industriya o regular na kasama sa kanayunan.

Ang malaproletaryadong ito ay pwersang pampakilos ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Kahit hindi sila konsentrado tulad ng proletaryado sa industriya, pwede silang buuin sa mga lokal na asosasyon. Sabik silang lumaban sa mga pambansang kaaway at kaaway sa uri ng sambayanang Pilipino.

Ang Lumpen-proletaryado

Dahil maraming walang hanapbuhay sa kalunsuran at kanayunan, patuloy na lumalaki ang lumpen-proletaryado. Latak ng lipunang Pilipino ang saray na ito. Ang paglitaw nila ay resulta ng sapilitang kawalan ng magawa. Binubuo sila ng mga magnanakaw, maton, pulubi, bugaw at puta, manggagantso, palaboy at iba pang elementong nabubuhay sa mga gawaing antisosyal. Kapansin-pansin sila sa mga maralitang komunidad sa syudad. Nanggaling sa probinsya ang marami sa kanila para maghanap ng trabahong hindi naman matagpuan sa syudad. May mga organisasyong silang tulad ng OXO, Sigue-Sigue, Bahala Na at iba pa.

Madali silang gamiting iskirol, panggulo sa mga aksyong demokratiko, impormer o upahang maton. Marami sa kanila ang mangangalabaw, pirata at iba pa. Nanggaling sa lumpen-proletaryado ang karamihan sa nirerekrut ng reaksyonaryong armadong pwersa para sa "Monkees", BSDU at iba pang grupo ng mamamatay-tao. Nitong huli, buong malisyang pinasasali ng reaksyonaryong gobyerno sa hanay ng mga demonstrador ang pinagsamang pwersa ng mga ahente at upahang lumpen-proletaryado para salakayin ang mga establisimyentong petiburges, at para guluhin ang mga demonstrador at pigilan silang makarating sa malapit sa Malakanyang at embehada ng EU.

Mabuway na mabuway ang mga lumpen-proletaryado. Madali silang mabili ng kaaway at may tendensyang gumawa ng walang katuturang paninira. Pero pwedeng magbago ang ilan sa kanila. Ang tapang nila sa labanan at pagkamuhi sa papet na estado at sa pagsasamantala ay pwedeng magsilbi sa rebolusyonaryong pakikibaka basta't may kaukulang pag-iingat. Kapag sumama sa rebolusyon, sila ang pinagmumulan ng ideolohiya ng mga rebeldeng lagalag at anarkista. Kinakatawan ng bandidong paangkatin nina Taruc at Sumulong at ng pangkating Monkees-Diwa ang di nagbabagong lumpen-proletaryado na nagtatangkang gamitin ang pangalan ng hukbong bayan.

__________________________

31 Kahit ang isang samahang unyonistang tulad ng National Association of Trade Unions o NATU, na dati'y itinuturing na progresibo, ay matagal nang biktima ng katiwalian at antikomunistang pambabaluktot ng aristokrata sa paggawa na si Ignacio F. Lacsina, ang presidente nito. Nadiskubre na impiltrador si Lacsina at nananabotahe sa rebolusyonaryong kilusang masa sa buong panahon ng pagkukunwari niyang tumalikod na siya sa nakaraan niyang koneksyon sa "organisdor ng manggagawa", ang CIA-Heswitang si Padre Hogan; sa namatay na pinunong papet na si Magsaysay; at sa konseho ng mga Unyon sa Pilipinas (Philippine Trade Union Council o PTUC).

__________________________

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.