Aregluhan ng pondong “pork” sa badyet 2026, pininal sa bicam

,

Aregluhan ng hatian ng pork barrel sa badyet 2026 ang tumambad sa taumbayan sa isinagawang bicameral conference committee (bicam) ng Senado at Mababang Kapulungan. Kahit pa naka-livestream, hindi itinago ng mga mambabatas ang kanilang paggigirian sa kung anu-anong porma ng pork barrel at magkano ang matitira sa badyet. Isinapinal ng bicam ang tadtad-sa-pork barrel na badyet noong Disyembre 18.

Kunwa’y tinapyasan ng Senado ang badyet ng Department of Public Works and Highways nang ₱45 bilyon dahil sa overpricing pero ibinalik din sa bicam ang higit kalahati ng pondo. Sa gayon, nanatili sa badyet ang kalakhan ng pondong “allocable” at “non-allocable” kung saan kumukuha ang presidente, mga kongresista at senador ng kani-kanilang kikbak.

Isa pang inareglo sa bicam ang pagdagdag ng pondo para sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients, pork barrel ng mga kongresista sa anyo ng “serbisyong pangkalusugan.” Itinaas pa ng bicam ang alokasyon mula sa orihinal na ₱49.2 bilyon tungong ₱51.64 bilyon, pondong dapat sana ay idinagdag sa badyet ng mga pampublikong ospital.

Inaareglo din sa bicam ang “LGU pork” o Local Government Support Fund na halos dinoble ng Senado mula sa ₱20.2 bilyong tungong ₱38.1 biiyon. Binawasan ng Senado ang pondo para sa mga benepisyo at bonus ng mga kawani para palobohin ang pondong ayuda na hawak ng mga lokal na upisyal.

Ang mga alokasyong ito ay dagdag sa nauna nang napagkasunduang pondong hawak ng mga mambabatas sa anyo ng ayuda. Itinaas pa ng bicam ang ayudang Assistance to Individuals in Crisis Situations mula sa orihinal na ₱27 bilyon tungong ₱63 bilyon.

Napanatili rin ang pork barrel ni Marcos na ₱243.4 bilyon para sa unprogrammed appropriation (na bantog na ginamit sa maaanomalyang flood control project) at ₱10.77 bilyong confidential and intelligence fund. Buo rin ang ₱8-bilyong pork barrel ng pasistang ahensyang NTF-Elcac.

Aregluhan ng pondong “pork” sa badyet 2026, pininal sa bicam