Di magagapi ang rebolusyonaryong kilusan ng India
Walang kapantay ang pasistang atake ng Operation Kagar ng reaksyunaryong estado ng India laban sa masa at rebolusyonaryong kilusang Indian sa nagdaang halos dalawang taon. Sa harap nito, nagpupunyagi ang Communist Party of India (Maoist), ang People’s Liberation Guerrilla Army (PLGA), at buong rebolusyonaryong kilusan ng India na biguin ang deklaradong layunin ng Kagar na wakasan at gapiin ang paglaban ng mamamayan sa Marso 2026.
Mula nang ipinatupad noong Enero 2024 ang Operation Kagar, magiting itong nilabanan ng PLGA. Sa kabila ng napakalalaking pwersang pandumog at panlipol ng rehimeng Modi, pagsulpot ng mga kampo militar at kampanyang likidasyon sa pamunuan ng Partido, nakapaglunsad ng mga armadong aksyon ang gerilyang hukbo.
Sa nagdang taon, umabot sa 116 ang napatay at 208 ang nasugatan sa pwersa ng pulis at sundalo sa mga armadong aksyon ng PLGA. Tinarget rin nito ang masusugid na impormer ng pulis at militar at mga pusakal na lider ng Bharatiya Janata Party, naghaharing partido sa India. Pangunahing gumamit ng mga pampasabog ang hukbo sa mga operasyon nito. At sa ilang pagkakatoan, gumamit ang PLGA ng mga katutubong armas tulad ng mga patibong na suyak.
Gayunman, matapat na inilahad ng CPI (Maoist) na dumanas ito ng matitinding pagkatalo sa nagdaang taon. Anito, bunga ang mga pagkatalo ng panloob na mga kahinaan, kabiguang ipatupad ang mga plano ng Komite Sentral at pinatinding atake ng estado.
Mula Disyembre 2024 hanggang Nobyembre ngayong taon, umabot sa 320 mga rebolusyonaryo ang namartir kung saan 117 ay kababaihan. Hindi bababa sa 237 sa kanila ay myembro ng Partido. Walo ay antas Komite Sentral, kabilang ang pangkalahatang kalihim ng Partido na si Kasamang Basavaraju, 15 ang antas komite ng estado, 25 ang antas distrito, at 73 ang antas komite sa erya. Mayroon 13 mula sa PLGA at 33 mga kadre at aktibista ng organisasyong masa.
Para makabawi ng lakas, nanawagan ang CPI (Maoist) na paigtingin ang paglaban sa Operation Kagar sa buong bansa. Itinutulak ng Partido na tukuyin at iwasto ang naging mga pagkakamali sa nagdaang 22 buwan para mapigilan ang higit pang mga pagkatalo. Dapat din umanong pag-aralan at suriin ang obhetibong kalagayan at suhetibong pwersa sa bawat erya para muling pasiglahin ang Partido, makonsolida ang PLGA at ang mga organisasyong masa.
Isa sa mga naunang natukoy ng Partido na pagkakamali nito, laluna sa digmang bayan, ay ang pagpapakitid sa sarili sa pagpapaliit ng eryang nakikilusan. Anito, dapat kumilos sa mas malalapad na saklaw ang hukbo at huwag manatiling sentralisado. Partikular na halimbawa nito ang kabiguang maglipat ng tropa ng PLGA mula sa rehiyong Dandakaranya, na episentro ng Operation Kagar, tungo sa ibang rehiyon.
Liban dito, inilahad rin ng Partido ang pangangailangang ilantad, itakwil at tunggaliin ang mga taksil sa rebolusyon. Pinakabantog sa mga taksil na ito sina Sonu (Mallojula Venugopal Rao), dating myembro ng Kawanihan sa Pulitika ng CPI (Maoist), at Satish (Takkallapalli Vasudeva Rao) na aktibo nang nagpapagamit ngayon sa rehimeng Modi. Sumuko sila noong Oktubre, at naghikayat ng iba pa noong Nobyembre. Umabot sa 299 indibidwal ang nakaladkad ng pangkat at nagsalong ng hindi bababa sa 277 armas ng PLGA at Partido.
“Sa panahong ito, tungkulin nating baklasin ang takot at pagkabalisa sa ating hanay, magpakita ng tapang at palakasin ang kumpyansa ng ating Partido,” ayon sa CPI (Maoist). Dagdag nito, sa tindi ng krisis sa bansa ay higit na lumilinaw ngayon ang pangangailangang pamunuan ng Partido ang pangkalahatang makauring pakikibaka ng masang Indian para ibagsak ang paghahari ng mga imperyalista, malalaking kumprador, at mga panginoong maylupa.
Pagpapakita ng determinasyong sumulong ng rebolusyonaryong kilusan ng India ang pagdiriwang nito sa ika-25 anibersaryo ng PLGA noong Disyembre 2. Sa Linggo ng Pagdiriwang mula Disyembre 2-8, inilunsad sa kagubatan, kapatagan, at sentrong urban, ang mga pulong ng grupo at maliliit na pagtitipon. Nagpaskil at namahagi ang mga rebolusyonaryo ng mga poster at polyeto para ipanawagan ang pagpapalakas at pagsali sa PLGA. Inilunsad ito nang may mahigpit na pag-iingat at pagpaprayoridad sa seguridad dahil sa pinatinding atake ng estado.