Pandaigdigang araw ng mga migranteng manggagawa, ginunita sa Pilipinas at sa ibang bansa
Ginunita ng iba’t ibang balangay ng Migrante ang pandaigdigang araw ng mga migranteng manggagawa noong Disyembre 18. Idineklara din nila ito bilang “Zero Remittance Day laban sa korapsyon,” isang araw na sabay-sabay na hindi magpapadala ng pera ang mga migrante sa Pilipinas. Porma ito ng protesta ng mga migranteng manggagawa upang irehistro ang kanilang pagkundena sa malawakang korapsyon at pagpapanagot sa lahat ng sangkot.
Lumahok sa kampanya ang mga balangay ng Migrante sa Thailand, Hong Kong, Japan, Canada, France, Italy, Australia, South Korea, Germany, Middle East at USA.
Naglunsad din ng protesta ang ilang balangay ng Migrante upang kundenahin ang mga pang-aabuso at diskriminasyon na nararanasan nila bilang migranteng manggagawa.
Sa New Zealand, ipinanawagan ng Migrante-Aotearoa ang pagwawakas sa sistema ng pagtatali ng work visa ng migrante sa employer.
Sa US, nagprotesta ang Tanggol Migrante Movement (TMM) sa konsulado ng Pilipinas sa Chicago, California at Washington upang ipanawagan ang pagpapalaya sa mga Pilipinong imigrante na dinetine ng Immigration and Customs Enforcement (ICE). Inianunsyo rin ang pagtatatag ng Families of Filipinos in Detention, organisasyon ng mga kaanak, kaibigan at ng mga dating nadetine ng ICE.
Sa Pilipinas, nagprotesta sa Mendiola ang mga myembro ng Migrante Philippines mula sa mga balangay nito sa iba’t ibang prubinsya. Kalahok sa protesta ang Concerned Seafarers of the Philippines, Samahan ng mga DH sa Gitnang Silangan, at Kilusang Mayo Uno.