Pakikibakang manggagawa
CBA ng Wyeth-Nestle at unyon. Pormal na naisara ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union ang CBA nito sa Wyeth-Nestle Philippines noong Disyembre 9. Matagumpay na naigiit ng unyon ang dagdag-sahod na ₱6,000 sa susunod na tatlong taon. Nakamit din ng unyon ang ₱30,000 signing bonus at mga benepisyong ipinaglaban nila sa sama-samang pagkilos.
Protesta ng mga manggagawa ng Gardenia at Philfoods. Kumilos ang mga manggagawa at unyon ng Gardenia Bakeries Phils Inc at Philfoods Fresh Baked Products Inc sa pabrika at sa labas ng Laguna International Industrial Park (LIIP) sa Biñan, Laguna noong Disyembre 19. Nanawagan sila ng dagdag-sahod, benepisyo, at pagtigil sa pag-atake sa mga miyembro ng unyon.
Mga marinong dineport ng US, siningil ang DFA at mga manning agency. Matapos dumanas ng arbitraryong deportasyon ng US, iginiit ng mga marinong Pilipino ang kanilang karapatan, at siningil ang DFA at mga manning agency. Sa dayalogo noong Disyembre 12, nangako ang upisyal ng DFA na pabibilisin ang pagproseso ng bagong pasaporte ng apektadong mga marino, tulong para umapela sa pagkansela ng visa at tatanggalin ang bayarin kaugnay dito.
Paggalang sa mga karapatan sa paggawa, iginiit sa Wipro Cebu. Naglunsad ng silent protest ang mga empleyado ng Wipro Philippines sa Cebu kasabay ng pakikipagdayalogo ng mga kinatawan nila sa kumpanya at DOLE noong Disyembre 1. Inireklamo ng mga empleyado ang patung-patong na mga paglabag ng kumpanya sa kanilang karapatan sa paggawa. Pangunahing hinaing nila ang hindi makatwirang plano ng Wipro Cebu na ipailalim ang 400 empleyado sa “floating status” simula noong Disyembre 15.
Mga Pilipinong manggagawa sa Taiwan, bumoto para magwelga. Bumoto noong Disyembre 1 para magwelga ang kababaihang manggagawang Pilipino sa Taidoc Technology Co. Ltd. laban sa paglabag ng kumpanya sa mga batas sa paggawa. Kabilang sa mga paglabag ang sapilitang pagpapalinis sa pabrika, mahigpit na patakaran sa dormitoryo, at hindi makatwirang mga bayarin. Ito ang pinakaunang welga ng unyon.