Koresponsal Kilusang Pagwawasto: Tuluy-tuloy na konsolidasyon ng Partido at BHB sa Negros

,

Sa gitna ng masinsing operasyong militar, nagpupunyagi ang rebolusyonaryong kilusan sa Negros sa pagsusulong sa kilusang pagwawasto. Tuluy-tuloy itong nagsisikap na konsolidahin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ang Partido. Nagdadaos ito ng kolektibong mga pag-aaral ng antas-antas na kurso ng Partido at mga pagsasanay-militar.

Kamakailan, naidaos sa isla ang intermedyang kurso sa Partido sa “staggered” o baha-bahaging paraan. Dinaluhan ito ng mga kadre at upisyal militar. Ligtas na natapos ang buong kurso na tumagal ng kabuuang 54 oras. Laman ng pag-aaral ang dagdag na mga prinsipyong gabay sa pagpapasigla ng gawaing masa at pagpapatupad ng mga rebolusyonaryong gawain sa balangkas ng kilusang pagwawasto.

Matagumpay din ang pagtatapos ng mga kadre’t upisyal ng BHB sa pag-aaral at pagsasanay sa pinaiksing kurso sa gawaing paniktik. Tatlo at kalahating araw, lakip na ang praktikum, ang itinagal ng pagsasanay. Ang resulta ng praktikum ay napagpasyahan ng kumand na gawing upisyal na mga plano sa mga ilulunsad na taktikal na opensiba ng BHB.

“Dagdag na kaalaman ang teoretikal na pag-aaral at pagsasanay na ito sa matagumpay na gawaing militar lalo na ang paglunsad ng taktikal na opensiba,” ayon kay Ka Marco, lider ng platun.

“Dapat na mabigyang hustisya ang mga biktimang mga kasama at masa mula sa matinding pasismo ng kaaway…kailangang makapagsamsam ng bala at armas galing sa berdugo at pasistang AFP, PNP at paramilitar at ipaarmas sa mga bagong rekrut na Pulang mandirigma” aniya.

“Hinog na hinog ngayon ng kalagayang pampulitika. Dapat tugunan ng Partido ang kanyang papel sa pamumuno at gawin ng Hukbo ang sentral na tungkulin nito sa pamamagitan ng matagumpay na taktikal na opensiba kasabay sa matitinding galit ng sambayanang Pilipino patungkol sa pangungulimbat ng estado sa kaban ng taong-bayan,” ayon kay Ka Myra, instruktor sa pulitika.

“Dapat malakas na patunugin ang kampana ng rebolusyonaryong kilusan sa malaganap na opensiba at maalingawngaw na putok ng mga armas ng Bagong Hukbong Bayan sa kanayunan kaalinsabay sa malawakang protesta ng masa sa mga lansangan sa kalunsuran,” aniya.

Kilusang Pagwawasto: Tuluy-tuloy na konsolidasyon ng Partido at BHB sa Negros