Brutalidad ng militar at pulis sa Masbate at Occidental Mindoro
Sa Masbate, nadakip, tinortyur bago sadyang pinatay ng 2nd IB ang isang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate noong Disyembre 13. Ang mandirigma ay nasugatan sa paa at nahuli matapos ang isang labanan sa Barangay Pitogo, Cataingan sa araw na iyon. Ipinailalim siya sa brutal na pisikal na tortyur dahil sa pagkamatay ng dalawang sundalo ng 2nd IB sa labanan.
Samantala noong Disyembre 9, inaresto ng mga pulis sa kasong pagpatay at paratang na mataas na upisyal ng BHB si Juanito Bultron. Siya ay residente ng Barangay Teresita, Cataingan na may kapansanan sa pag-iisip. Pinalalabas ng pulis na nahuli siya sa Barangay Malibas, Palanas.
Sa Occidental Mindoro, dinukot at tinortyur ng 76th IB si Dolores Mariano Solangon, 47 taong gulang na babaeng Mangyan-Iraya, sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Disyembre 2, ala-1:30 ng hapon. Itinali siya sa isang puno at ipinailalim sa interogasyon hanggang alas-4:00 ng hapon.
Dinala siya sa mabundok na erya at muling tinortyur hanggang alas-9:00 ng gabi. Pinaghukay din siya para sa sariling libingan at binantaang papatayin kung tatakas. Naganap ang pagdukot at pagtortyur kay Solangon matapos ang isang engkwentro ng 76th IB sa BHB sa Sityo Balite, Barangay Lumangbayan sa Abra de Ilog noong Nobyembre 26.”