Mga magsasaka at katutubo, pinalalayas sa sariling lupa

,

Walang habas ang pang-aagaw ng mga dayuhan kumpanya at malaking burgesyang kumprador sa likas na yaman at lupang ninuno ng mga katutubo at magsasaka sa bansa. Gamit ang pulis, militar at ang mga korte, niyuyurakan ng mga ito ang karapatan ng mga magsasaka sa lupa, sinusupil ang kanilang paglaban at ginagamit ang batas para palayasin sila sa sarili nilang lupa.

Sa Sityo Marihangin, Barangay Bugsuk, Balabac, Palawan, kinasuhan ng “squatting” o iligal na paninirahan ng siyam na mang-aagaw ng lupa ang 282 residenteng katutubo ng sityo. Kabilang sa kinasuhan ay mga patay na at mga bata. Noong Disyembre 17, sumugod sa sityo ang sugo ng korte kasama ang mga armadong pulis upang maghain ng TRO o temporary restraining order laban sa mga residente.

Ayon sa utos, bawal hadlangan ang pagpasok sa sityo ng mga mang-aagaw ng lupa sa loob ng 20 araw. Ayon sa mga residente, malinaw na may kinalaman ang kaso na ito sa plano ng San Miguel Corporation (SMC) na agawin ang kanilang lupang ninuno. Ilang taon nang pinipilit ng Bricktree Properties, subsidyaryo ng SMC, na angkinin ang lupain upang pagtayuan ng 25,000 ektaryang imprastrakturang panturismo para sa sobrang mayayaman sa Balabac.

Sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya, dalawang beses nang inutusan ng korte ang pagbuwag ng barikada ng mga residente laban sa Woggle Corporation. Noong Disyembre 10, matagumpay na napigilan ng mga residente at taong simbahan ang tangkang pagbubuwag. Muling sumugod ang mga pulis noong Disyembre 12 para buwagin ang barikada ng mga residente ng Upper Tacbao, Barangay Bitnong. Ganti ito ng kumpanya matapos matagpuang sunog ang excavator nito noong araw na iyon.

Katuwang ang PNP Dupax Del Norte, tinakot, ginipit, at binastos ng mga ito ang mga nagbarikada at sinira ang kanilang mga gamit. Dalawang babaeng residente ang hinarang ng mga tauhan at pinilit na maghubad. Tinutukan din ng baril ng mga pulis ang mga residente nang igiit nila ang kanilang mga karapatan. Ninakaw din ang kanilang mga selpon at ID nang nagtangka ang mga residente na isadokumento ang pandarahas sa kanila ng mga tauhan.

Mga magsasaka at katutubo, pinalalayas sa sariling lupa