Editoryal

Malalim na krisis at maigting na mga pakikibaka nitong nagdaang taon

, ,

Lalong sumidhi nitong nakaraang taong 2025 ang krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing sistema, ibayong tumindi ang panghihimasok militar ng imperyalismong US at sumahol ang panlipunang kalagayan ng mayorya ng sambayanan. Kasabay nito, umigting ang mga pakikibaka laban sa korapsyon at pasismo na rehimeng US-Marcos.

Naging tahasan ang bangayan ng mga naghaharing uri, partikular ang salpukan ng magkaribal na pangkating Marcos at Duterte. Isinampa ng Mababang Kapulungan noong Pebrero ang kasong impeachment laban kay Sara Duterte, subalit tumirik ang kaso nang sagkaan mismo ni Ferdinand Marcos Jr ang pagdinig sa Senado. Noong Marso, nakipagtulungan si Marcos sa Interpol sa pag-aresto at pagkulong sa The Netherlands sa dating presidenteng si Rodrigo Duterte sa bisa ng mandamyento ng International Criminal Court. Doon siya lilitisin sa mga krimen sa sangkatauhan dahil sa maramihang pagpatay sa “war on drugs.”

Ginanap noong Mayo ang eleksyon sa senado, kongreso at lokal na gubyerno. Garapal ang dayaan at manipulasyon ng resulta. Sinalamin nito ang tunggalian at akomodasyon ng iba’t ibang pangkatin ng naghaharing uri, at pakikialam ng imperyalismong US. Habang nananatiling buo ang suporta ng US kay Marcos, ipinupwesto na rin nito ang kanyang mga reserbang kabayo para sa pagtakbo sa 2028.

Walang kapantay ang panghihimasok militar ng US sa buong taon. Sa pakikipagsabwatan sa rehimeng Marcos at gamit ang Armed Forces of the Philippines (AFP), binuksan ang bagong mga base at pasilidad militar. Naglagak ang US ng karagdagang mga sandatang pandigma sa Pilipinas. Walang patid na isinagawa ang mapanulsol na mga ehersisyong militar sa loob at paligid ng South China Sea, sa kapinsalaan ng mga mangingisdang Pilipino.

Lalong umigting ang salpukan ng mga naghaharing uri matapos malantad ang malalaking kaso ng korapsyon kaugnay ng maaanomalyang mga flood control project at kontrata sa mga proyektong pang-imprastruktura. Sumambulat ang galit ng taumbayan sa gabundok na salapi na ibinubulsa ni Marcos at ng mga korap na upisyal ng gubyerno.

Dumaluyong sa buong bansa ang malawak na kilusang protesta laban sa korapsyon at burukratang kapitalismo. Sa loob ng dalawang buwan mula Setyembre, tuluy-tuloy ang mga walkout at rali ng mga estudyante sa iba’t ibang kampus. Nabuo ang malalapad na alyansa ng mga pwersang anti-korapsyon sa iba’t ibang sektor at lugar, kahit pa may ilang pwersang sadyang inilalayo ang galit ng taumbayan kay Marcos.

Sa gitna ng pagtatangkang pagtakpan ang papel ng Malacañang sa mga anomalya sa pamamagitan ng palabas na “imbestigasyon,” ibinunyag ng mga sangkot sa korapsyon na mismong si Marcos ang utak at tumanggap ng pinakamalaking kikbak sa daan-daang bilyong pisong mga proyektong pang-imprastruktura. Hindi nagtagal, umalingawngaw ang sigaw para sa pagbibitiw o pagpapatalsik kay Marcos at Duterte.

Ang kilusan laban sa korapsyon ay sumiklab sa gitna ng patuloy na paglalim ng krisis sa ekonomya, pagdausdos ng kalagayan ng malawak na masa ng sambayanan, at kaliwa’t kanang mga programa at hakbangin ng rehimeng Marcos na pahirap sa bayan.

Malawak ang disgusto ng mamamayan sa harap ng mababang sahod ng mga manggagawa, kawalan ng trabaho, halos linggo-linggong pagtaas ng presyo ng langis, mataas na singilin sa palpak na mga serbisyo sa tubig, kuryente at transportasyon, jeepney phaseout, pribatisasyon ng mga palengke, mapangwasak sa kalikasan at kabuhayan na reklamasyon sa dagat, pangangamkam sa lupa, pagpapalayas sa mga magsasaka at iba pang pasakit. Huwad ang sinasabing kapayapaan sa gitna ng masidhing paniniil at pagpapahirap sa taumbayan.

Malawak ang panawagan para sa ₱1,200 arawang minimum na sahod. Naging tampok ang ilang welga ng mga manggagawa at pagkilos ng iba’t ibang sektor sa iba’t ibang lugar para ipaglaban ang kanilang kapakanan. Papalawak at paparami ang tumitindig laban sa pasistang panunupil ng rehimeng Marcos. Marami ang napukaw sa pagtatanghal ng mga progresibong partido sa pambansa-demokratikong programa sa paglahok sa eleksyon. Ang pagpupunyagi sa pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa ay tiyak na iipon at bubwelo sa mga darating na panahon.

Sa harap ng malalim na krisis at maiigting na pakikibaka, at bunga ng kilusang pagwawasto, tuluy-tuloy na nakapagpapalakas ang Partido at mga rebolusyonaryong pwersa. Tuluy-tuloy na itinataas ang antas sa teorya at praktika sa pamamagitan ng kilusang pag-aaral. Pinalaganap ng Partido ang pag-aaral sa burukratang kapitalismo bilang gabay sa pag-unawa ng taumbayan sa tumampok na usapin ng korapsyon.

Pinalalakas ang mga lihim na rebolusyonaryong organisasyong masa sa kalunsuran ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, guro, alagad ng sining, siyentista, mga duktor, nars at manggagawang pangkalusugan, taong-simbahan, mga migranteng Pilipino, at iba pang mga sektor. Habang nagpopropaganda para sa demokratikong rebolusyong bayan, paparami ang nagpapasyang lumahok sa armadong pakikibaka at rebolusyonaryong kilusang magsasaka sa kanayunan.

Sa kanayunan, tuluy-tuloy na sumusulong ang mga pakikibakang magsasaka sa pagtatanggol ng kanilang lupa at kabuhayan laban sa mga mangangamkam, laban sa pahirap na mga patakaran ng rehimeng Marcos at pasistang panunupil ng mga armadong galamay nito. Tampok ang mga barikada at ibang anyo ng pagkilos sa ilang lugar. Pinalalakas ang mga sangay at komite ng Partido, binubuo ang mga rebolusyonaryong samahang masa ng mga magsasaka, kabataan at kababaihan, ang kanilang mga yunit milisya at yunit pananggol-sa-sarili, habang nagpupunyagi ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa gawaing masa at pakikidigmang gerilya.

Sa pamumuno at katuwang ng Partido, tuluy-tuloy ang BHB sa pagpapalawak at pagpapalalim ng baseng masang magsasaka. Taglay ang malawak nitong suporta, kalakhan ng mga yunit ng BHB ay nakapagpreserba ng lakas sa pagharap sa walang patid na mga operasyong kombat ng AFP. Paparami ang mga tagumpay sa aktibong pagdepensa, taktikal na opensiba at pagparusa sa mga pusakal na traydor at pasista. Tuluy-tuloy ang pagrerekrut at pagsasanay ng mga bagong Pulang mandirigma at kumander.

Sa harap ng sumisidhing krisis ng naghaharing sistema, at sa pundasyon ng kilusang pagwawasto, nakatanaw ang Partido sa ibayong pagpapalakas at pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa darating na mga taon. Determinado ang Partido na pamunuan ang malawak na masa sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan at pagkamit ng mga tagumpay sa buong bansa.

Malalim na krisis at maigting na mga pakikibaka nitong nagdaang taon