Ikatlong anibersaryo ng pagkamatay ni Ka Joma, ginunita
Ginunita ng pamilya, kaibigan, mga kasama, partido at organisasyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang ikatlong anibersaryo ng pagkamatay ni Kasamang Jose Maria Sison noong Disyembre 16. Sa Pilipinas at the Netherlands, naglunsad ng mga aktibidad bilang pag-alaala kay Ka Joma.
Sa the Netherlands, ipinalabas ang pelikula-dokumentaryong My Friend the Terrorist noong Disyembre 13. Pinangunahan ang aktibidad ng Jose Maria Sison Legacy Foundation, Friends of the Filipino People in Struggle at lokal na organisasyon nitong Maya Solidarity.
Sa Pilipinas, inialay kay Ka Joma ng isang sangay ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Rizal ang inilunsad nitong pag-aaral sa Batayang Kurso ng Partido noong Disyembre 16.
Sa Quezon City, pinarangalan si Ka Joma ng mga balangay ng Artista at Manunulat ng Sambayanan sa pinangunahan nitong raling iglap sa University of the Philippines-Diliman noong Disyembre 17. Isinagawa ito sa gitna ng Lantern Parade, ang taunang parada ng mga parol sa kampus na dinadayo ng libu-libong tagapanood.
Liban dito, itinampok din sa rali ang nalalapit na ika-57 anibersaryo ng Partido sa Disyembre 26 at ang panawagan sa mamamayang Pilipino, laluna sa mga kabataan, na lumahok sa digmang bayan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.