Tigil-putukan sa Pasko at Bagong Taon, idineklara ng PKP

,

Nagdeklara ng apat na araw na tigil-putukan ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) bilang pakikiisa sa mga tradisyunal na pagdiriwang ng masang Pilipino. Inatasan ng Komite Sentral ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) na ipatupad ito mula 00:00 ng umaga ng Disyembre 25 hanggang 23:59 ng gabi ng Disyembre 26 at mula 00:00 ng umaga ng Disyembre 31 hanggang 23:59 ng gabi ng Enero 1, 2026.

Ayon sa pamunuan ng Partido, pagbibigay-daan ang tigil-putukan sa mga simpleng pagdiriwang ng mga Pilipino sa harap ng malubhang kalagayang panlipunan at pang-ekonomya sa ilalim ng rehimeng Marcos. Pagkakataon din ito ng rebolusyonaryong kilusan, kasama ang mamamayan, para ipagdiwang ang ika-57 anibersaryo ng Partido sa Disyembre 26.

Sa pagpapatupad ng tigil-putukan, inatasan ng Komite Sentral ang mga yunit ng BHB na mag-aktibong depensa laluna sa harap ng pananalasa ng walang tigil na mga operasyong kombat ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Dapat umanong mahigpit na makipagtulungan ang mga yunit ng BHB sa masa para maipatupad ito. “Dapat rin silang parating handa na magmaniobra o maglunsad ng kontra-atake sa panahong kinakailangan ng kalagayan,” ayon sa Komite Sentral.

Kaagad na kinontra ng AFP at Department of National Defense ang isang-panig na tigil-putukan ng Partido at hukbong bayan. Ayon sa Partido, ang pahayag na ito ng mga tauhan ng rehimeng Marcos ay nagpapatunay sa uhaw-sa-dugong katangian ng kanyang armadong pwersa at balak na gambalain ang mapayapang mga pagdiriwang ng masang Pilipino.

“Walang ibang nais iregalo si Marcos sa mamamayan sa darating na mga tradisyunal na pagdiriwang kundi bala at bomba sa pag-aatas nito sa AFP at mga pulis na maglunsad ng walang tigil na mga operasyong kombat sa kanayunan,” ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido

Samantala, binatikos ng Partido ang ipinakalat ng Philippine Army na paglabag ng BHB sa tigil-putukan sa labanang naganap sa Northern Samar noong Disyembre 15, gayong di pa ito saklaw ng deklarasyon.

Tigil-putukan sa Pasko at Bagong Taon, idineklara ng PKP