Sa harap ng panunupil ng rehimeng Marcos Nakikibaka ang mga Pilipino para sa karapatang-tao
Nakiisa ang mga Pilipino sa paggunita sa ika-77 Internasyunal na Araw ng Karapatang-tao noong Disyembre 10. Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, libu-libo ang nagmartsa para itaguyod ang karapatang-tao at batikusin ang rehimeng Marcos sa walang awat na paglabag nito sa karapatan ng mamamayan.
Pinangunahan ng Karapatan at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang mga pagkilos sa Maynila at 15 syudad at prubinsya. Nagpahayag ng suporta sa pagkilos ang International Coalition for Human Rights in the Philippines.
Sa Maynila, libu-libo ang lumahok sa pagtitipon at programa sa Liwasang Bonifacio at sa martsa patungong Mendiola. Maliban sa mga organisasyong nakabase sa National Capital Region, nakiisa sa protesta ang mga grupong mula sa Southern Tagalog. Nagkakaisang panawagan nila: “Wakasan ang pasista, korap, at pahirap na rehimeng US-Marcos Jr!”
Noong Mayo 2025, pormal na ipinatupad ng rehimeng Marcos ang National Action Plan for Unity, Peace, and Development 2025-2028. Nagsilbi itong balangkas ng pinatinding pampulitikang panunupil sa mamamayan. Pangunahin itong ipinatutupad ng National Task Force-Elcac.
Sa tala ng Karapatan, hindi bababa sa 11 milyong Pilipino ang naging biktima ng paglabag sa karapatang-tao ng mga pwersa ng estado sa ilalim ng rehimeng Marcos. Kabilang sa kanila ang mga biktima ng ekstra-hudisyal na pagpatay, sapilitang pagkawala, arbitraryong pag-aresto, sapilitan o pekeng pagpapasuko, walang habas na pamamaril at pambobomba, sapilitang paglikas at pagbabanta, panliligalig at pananakot, kabilang ang Red-tagging.
Nananatiling nakakulong ang hindi bababa sa 696 na bilanggong pulitikal, 163 ay inaresto sa ilalim ni Marcos. Sa mga bilanggong pulitikal, 136 ang kababaihan, 93 ang matanda na, at 89 ang maysakit. Mayroong ding nakakulong na 12 konsultant at istap ng National Democratic Front of the Philippines para sa negosasyong pangkapayapaan.
Sa pagtatapos ng protesta sa Mendiola, sinunog ng mga grupo ang effigy nina Marcos at Sara Duterte na inilarawan bilang hari at reyna ng pasismo at korapsyon. Ipinakita ng effigy na may dala-dalang armalayt sina Marcos at Duterte habang nakaupo sa mga maleta na simbolo ng korapsyon.
Katulad na mga protesta at aktibidad ang inilunsad sa Baguio City, Tabuk City sa Kalinga, Mountain Province, Laoag City sa Ilocos Norte, Tarlac, Nueva Ecija, Bulacan, Legazpi City sa Albay, Naga City sa Camarines Sur, Iloilo City, Kalibo City sa Aklan, Roxas City sa Capiz, Bacolod City, Cebu City, at Davao City.
Pagtataguyod sa karapatang-tao ng simbahan at mga mambabatas
Mula pa sa panahon ng dating rehimeng Duterte, pinakamadugo ang rekord ng estado sa paglabag sa karapatang-tao sa Mindanao. Pinakamatindi ito noong ipinataw ang batas militar simula Mayo 2017 hanggang 2019.
Noong Disyembre 9-10, inilunsad sa Davao City ang Mindanao Human Rights Summit. Dinaluhan ito ng 242 delegado mula sa simbahan, gayundin ng mga abugado, tagapagtanggol ng karapatang-tao at organisasyong masa ng Mindanao.
Sa ikalawang araw ng aktibidad, isinagawa ang pangkalahatang asembliya at paglulunsad sa Pakighiusa sa Anawim-Mindanao (Panaw-Mindanaw). Ang bagong tatag na grupo ay isang organisasyong layuning bigyang tinig at hustisya ang mga biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao sa Mindanao.
Sa Kongreso, muling inilunsad ang Mambabatas para sa Karapatang Pantao o Makatao Coalition noong Disyembre 9. Layunin ng koalisyon na isulong ang mga batas na magtatanggol sa karapatang-tao. Una itong binuo ng mga mambabatas, kabilang ang Makabayan Bloc, noong 2018 para tutulan ang mga ekstra-hudisyal na pamamaslang ng noo’y rehimeng Duterte. Kasalukuyan itong pinamumunuan ni Rep. Leila de Lima.