Pinsala at ligalig ng gerang imperyalista, dinaranas ng mga mangingisda at magsasaka
Sa mga mangingisda at magsasaka na nakatira malapit sa mga base militar at pinagdadausan ng mga war games ng US, hindi isang malayong posibilidad ang imperyalistang gera. Ngayon pa lamang, nararanasan na nila ang ligalig at pinsalang dala nito sa kanilang kabuhayan at komunidad.
Kabilang ito sa maraming isinadokumento ng 35-kataong delegasyon mula sa US na umikot sa mga komunidad malapit sa mga base militar o EDCA site noong Nobyembre. Sa loob ng dalawang linggo, magkahiwalay nilang inikot ang Cagayan Valley, Ilocos, Central Luzon, Cagayan de Oro, Marawi City at Cebu City. Pumunta rin sila sa mga lugar kung saan madalas idinadaos ang masasaklaw na war games tulad ng Balikatan.
Dinayo ng delegasyon ang Pilipinas sa gitna ng umaarangkadang militarismo ng rehimeng Trump sa Asia. Sa nagdaang dalawang taon lamang, naglagak ang US ng mga long-range missile sa Pilipinas, nag-anunsyo ng pagtatayo ng mga pabrika ng bala at drone, at nagbukas ng marami pang lokasyon para maging imbakan, outpost at daungan ng mga tauhan at barkong Amerikano. Naglunsad ito ng walang patid na mga war games, nagsagawa ng mga live-fire exercises sa karagatan at simuladong mga kombat opensiba at depensiba.
Sa mga komunidad na pinuntahan ng delegasyon, batid ng mga residente na ang mga base militar at war games ay naglalagay sa kanila at sa Pilipinas sa sentro ng gerang imperyalista sa pagitan ng US at China. Inamin mismo ng mga upisyal ng US na ang mga EDCA site ay direktang nakaugnay sa “depensa ng US sa Taiwan.” Itinulak ng mga upisyal na ito na “ibenta” ng US ang mga EDCA site sa Taiwan bilang “non-weaponry support service” ng bansa.
Tunay na pinsala sa simuladong digma
“Akala namin gera na,” ang karaniwang sambit ng mga residente na nakapanayam ng delegasyon sa mga baryo sa Cagayan Valley. Marami sa kanila ang nagugulantang na lamang sa biglang pagdagsa ng dayuhang tropa, malalaking sasakyan at maiingay na eroplano sa kanilang lugar tuwing may war games ang US.
“Walang warning. Walang nagsabi kung ano ang mangyayari, o kung gaano katagal,” salaysay ng nakapanayam ng delegasyon. Biglang napatitigil ang kanilang kabuhayan para bigyan daan ang mga “simulasyon” ng pagsalakay ng tropa mula sa karagatan. Umaabot ang mga maniobrang pangkombat ng tropa sa mga daan, sakahan, pangisdaan at bakuran.
Animo’y nakakulong ang mga residente sa kani-kanilang mga bahay habang “rumaragasa” ang “simuladong digma” sa labas ng kanilang mga tarangkahan. Walang ayuda para makatawid sila sa araw-araw. Walang kumpensasyon sa mga araw na hindi sila nakakapaghanapbuhay. Pagkatapos ng “digma,” nag-iiwan pa ang mga tropa ng basurang basyo ng bala at iba pang amunisyon sa mga baybay, kung saan naglalaro ang mga bata.
Panganib sa karagatan
Direktang isinasapanganib ng presensya ng US at mga war games nito ang mga mangingisdang Pilipino. Nitong Disyembre lamang, naglunsad ang US ng sunson na maritime cooperative activity (MCA) bilang “power projection” sa pinag-aawayang mga isla at pormasyon sa South China Sea. Ang una (Disyembre 9-10) ay isinagawa sa kanluran ng Zambales, malapit sa tradisyunal na pangisdaan ng Scarborough Shoal. Nagpalipad dito ang US ng iba’t ibang klase ng jetfighter at nagparada ng dambuhalang aircraft carrier na USS Rafael Peralta.
Itinuring ng China ang aktibidad bilang probokasyon na nagpataas ng tensyon sa karagatan. Nagresulta ito sa gitgitan sa pagitan ng mga pwersang Chinese at Pilipino noong Disyembre 11-12, kung saan nasangkot ang ilang mangingisdang Pilipino.
Ginamit ng US ang insidente para bigyang katwiran ang mabilis na paglulunsad ng kasunod na MCA (Disyembre 15-16). Ipinadala nito ang USS Robert Smalls, isang guided-missile cruiser, para paypayan ang sumiklab na gitgitan at palabasing sila’y “tagapagligtas” ng Pilipinas. Ang serye ng mga insidenteng ito ay bahagi ng mas malawak na padron ng panunulsol ng US, ganting-tugon ng China at pagkapinsala ng kabuhayan at kagalingan ng mga mangingisdang Pilipino.