Hamon ng Christians for National Liberation Pagpanday ng konsensyang panlipunan at pagkakaisa para sa katarungan at katotohanan
Tumampok nitong mga nakaraang buwan ang malawakang partisipasyon at paglahok ng mga taong-simbahan, lider-relihiyoso at layko sa mga demonstrasyon laban sa matinding korapsyon ng rehimeng Marcos. Kahit nananatiling konserbatibo ang Simbahan, ang tinig at tindig nito ang isa sa hindi matatawarang nakapang-anyaya sa libu-libong lumahok sa kilusang bayan kontra-korapsyon.
Sa gitna nito ang rebolusyonaryong pakikihamok ng mga myembro ng Christians for National Liberation (CNL) na bag-as ng pakikibakang bayan ng mga Kristyano. Kabilang ito sa mga ibinahagi nina Ka Lila at Ka Mingol, mga bagong-halal na upisyal ng CNL, sa panayam ng Ang Bayan.
Malaki ang impluwensya ng Simbahan at iba pang relihiyosong grupo sa isang bansa tulad ng Pilipinas na mayorya ay Katoliko, pagbabahagi ni Ka Mingol.
“Itinuturing silang tagapagsalita ng hustisya at katotohanan,” aniya. Nakaeengganyo sa mga pamilya at komunidad ang paglahok ng simbahan at relihiyoso sa mga kilos protesta dahil sukatan sila ng moral legitimacy o pagiging matuwid, sa mata ng marami.
Ayon naman kay Ka Lila, itinuturo sa mga taong-simbahan at mananampalataya ang pagmamalasakit para sa kapwa, ang pagiging tapat sa pagtulong sa bawat isa, para kumilos para sa katotohanan at katapatan laluna sa harap ng matinding kahirapan at sakuna. “Hindi katanggap-tanggap ang sistematikong pagnanakaw ng rekursong dapat inilalaan sa mga pinaka-nangangailangan,” aniya.
Pero noong Nobyembre 30, tumingkad ang magkakaibang tindig ng Simbahan sa panawagan ng mamamayan. Nakita ito sa naging galaw ng Iglesia ni Cristo at mga lider ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines. Sa mga pagkakataong iyon, nanawagan ang CNL na walang-kompromisong manindigan at kumilos batay sa katarungan, katotohanan, at katapatan, at kumawala sa bangayan ng mga naghaharing-uri at mga pamilyang nakikinabang sa burukrata-kapitalismo.
“Ang isyu ng korapsyon sa flood-control projects ay isang maliit na bahagi lamang sa malawakan at sistematikong korapsyon ng reaksyunaryong gubyerno,” ayon kay Ka Lila. Hindi lamang ito tungkol sa hidwaan ng iilan kundi tungkol sa burukrata kapitalismo o pagsasamantalang nangyayari sa pagpapatakbo sa gubyerno bilang negosyo, ang pagkamal ng yaman ng mga nasa poder.”
“Binubura ng CNL ang naratibo na sa dalawang nagbabangayang kampo lamang dapat mahati ang pagpanig, dahil parehong dapat managot kasama ng iba pang mga sangkot sina Marcos Jr at Sara Duterte,” sabi naman ni Ka Mingol.
Kahit nag-iiba-iba ang sinasabi ng mga lider-simbahan tungkol sa korapsyon, ayon kay Ka Lila, malinaw sa CNL ang malawakang galit dito ng masang relihiyoso.
“Hamon sa mga lider ng simbahan na maging huwaran ng pagpapakumbaba at dayalogo,” pagpapatuloy ni Ka Mingol. Nanawagan din siya sa mga nakabababang lider—mga obispo, pari, pastor, ministro, at mga lokal na lider—na di maging tagasunod lamang ng upisyal na linya, laluna kung labag ito sa mga natutunan nila tungkol sa katarungan. “Tagapagprotekta sila ng kawan, hindi tagapagtanggol ng kapangyarihan o katahimikan sa harap ng kasamaan. Dapat nilang hubugin ang konsyensya ng kaaniban para makilahok nang may paninindigan di lamang bilang myembro ng bloke kundi bilang mga responsableng indibidwal ng lipunan.”
Katulad sa nakaraan, napakalaki ng papel ng Simbahan sa pag-oorganisa at pagmumulat sa mamamayan para sa katarungan at pagbabagong panlipunan, ayon kay Ka Mingol. Mahalaga na walang-tigil na palakasin ang hanay para sa demokratikong rebolusyong bayan. Aniya, determinado ang CNL na mapangibabawan at mapagtagumpayan ang matitinding hamon ng konserbatismo, self-preservation (para sa pansariling interes) at Red-tagging para kamtin ang bagong sigla ng pagpapalawak ng hanay ng mga rebolusyonaryo sa mga taong relihiyoso.
Ipinauunawa ng CNL na upang maiwaksi ang burukrata kapitalismo, kailangan ng rebolusyonaryong pagkilos. Isa ito sa pumupukaw at nakapagbubuklod sa damdamin, laluna sa malawak na hanay ng relihiyosong kabataan. Kinakikitaan sila ng sigla sa paglahok sa mga kilos-protesta hanggang sa armadong pakikibaka sa kanayunan. Ikinakampanya ng CNL sa mga taong-simbahan ang rebolusyonaryong programa ng National Democratic Front: ipinapakitang mayroong alternatibong sistema ng pamamahala na nagsisilbi sa demokratikong interes ng masa.