Sabwatang burgesyang kumprador at burukrata kapitalista sa sistemikong korapsyon
Nitong nagdaang mga buwan, tumambad ang sistemikong korapsyon at garapalang pagnanakaw sa pondo ng bayan ng mga nasa poder. Mula sa maaanomalyang proyektong imprastruktura at pork barrel, “unprogrammed appropriation” at “allocables” sa pambansang budget, naging malinaw ang papel ng burukrata kapitalismo sa nararanasang di-mabatang pagdurusa at karukhaan ng mamamayan.
Sa ilalim ng umiiral na sistema, hindi lamang ginagamit ng mga burukrata kapitalista ang kanilang pusisyon para magkamal ng yaman. Gumagawa din sila ng mga batas at nagpapatupad ng mga patakaran na nagsisilbi sa pinapaboran nilang malalaking burgesyang kumprador at dayuhang kapitalista. Sa prosesong ito, dagdag silang nakakapagkamal ng yaman.
Sa loob ng mahigit tatlong taon ng rehimeng US-Marcos, nag-amyenda at nagpatupad ito ng hindi bababa sa 15 batas para sa kaluwagan at benepisyo ng mga burgesyang kumprador at dayuhang kapitalista. Kabilang dito ang mga batas para sa pagbabawas ng buwis ng mga korporasyon, pagpapahintulot sa mga kumpanya na magmay-ari ng 100% sa mga esensyal na industriya ng bansa tulad ng telekomunikasyon, paliparan, at renewable energy. Dagdag dito ang pagpapahintulot sa pag-angkin at paggamit ng mga lupa ng Pilipinas nang hanggang 99 taon. Pinabilis at pinadali rin ng rehimen ang pagproseso sa aplikasyon ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.
Kabilang sina Manny Villar, Enrique Razon at Ramon Ang sa mga burgesyang kumprador na yumaman nang husto sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Ang tatlong ito rin ang nasa likod ng pinakamalaking partido pulitikal sa bansa. Hawak ni Razon ang National Unity Party, si Villar ang Nacionalista Party at si Ramon Ang ang Nationalist People’s Coalition. Kontrolado nila ang nasa 42% ng mga senador, 27% ng mga kongresista at 33% ng mga gubernador.
Pribatisasyon bilang bahagi ng sistemikong korapsyon
Ilan sa pinagkukunan ng yaman ng malalaking burgesyang kumprador ang pribatisasyon ng mga serbisyo, imprastruktura at negosyong pampubliko. Isa sa paraan para makakuha ng proyekto ay sa pamamagitan ng Unsolicited Proposal (UPS) ng Public-Private Partnership Code of the Philippines (2023). Sa ilalim ng batas, mas pinalalakas ang kapangyarihan ng pribadong sektor na piliin at pangasiwaan ang mga proyektong nais nitong kontrolin.
Sa ilalim ng PPP, nagbibigay ang gubyerno ng “garantiya” galing sa pondo ng bayan upang matiyak na matutuloy ang proyekto. Ang gubyerno din ang sasalo kung sakaling malugi ang proyekto.
Ang San Miguel Corporation (SMC) ni Ramon Ang, ang isa sa nakinabang nang husto sa PPP. Nakuha ng SMC ang ilan sa malalaking proyekto nito sa pamamagitan ng UPS. Kabilang dito ang New Manila International Airport (NMIA), MRT 7, Cavite-Batangas Expressway, at Pangasinan Link Expressway. Dahil sa sabwatan ni Ang at ng rehimeng Marcos, madaling nasungkit ng SMC ang kontrata sa pag-opereyt at pangangasiwa sa pangunahing paliparan ng bansa at sa dambuhalang proyekto na Navotas Bay Reclamation Project. Kabilang sa proyekto ang pagtayo ng business district at expressway papunta sa NMIA. Nakakuha din ng kumpanya ng sampung taon na tax holiday para sa konstruksyon ng NMIA.
Sa kabila ng pagkasira sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan dahil sa mga proyektong imprastruktura ng SMC, wala itong pananagutan sa mga paglabag sa batas at karapatang-tao. Habang nagkakamal ng yaman gamit ang pondo ng mamamayan, tinatamasa nito ang proteksyon ng mga burukrata-kapitalista, na nakikinabang din sa mga negosyo nito. Malayang nagagamit din ng SMC ang pulis, militar, lehislatura at mga korte upang protektahan ang interes nito. Pinatatampok ng sabwatang ito ang matinding korapsyon sa sistemang burukrata kapitalismo.
Sa ilalim ng pribatisasyon, ang dayuhang kapitalista at lokal na burgesyang kumprador ang nagdidikta sa kung anu-anong bahagi ng ekonomya ang bubuhusan ng pondo, paano at para kanino ang pag-unlad. Sa patuloy na pagtulak ng rehimeng US-Marcos sa pagsapribado ng natitirang mga pampublikong serbisyo, korporasyon at imprastraktura, mas lalo lamang nalulubog sa kumunoy ng kahirapan ang mamamayan habang lalong yumayaman at nagiging gahaman ang mga burgesyang kumprador at burukrata kapitalista.