Mga aksyon ng BHB sa Negros at Samar

,

Limang armadong aksyon ang inilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa isla ng Negros at Samar sa nagdaang mga linggo. Kabilang sa mga ito ang pagtarget sa mga aset paniktik ng militar at nag-ooperasyong mga pulis.

Sa Negros Occidental, napatay si Police Senior Master Sergeant Rommel Aguilar nang makipagputukan ang mga pulis sa isang tim ng BHB-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command). Nasamam sa kanya ang isang 9mm pistola at mga bala. Nakasalubong ng BHB ang grupo ng mga pulis sa Purok 5, Barangay Lagaan sa Calatrava noong Disyembre 7. Paatras noon ang mga Pulang mandirigma mula sa aksyong militar laban kay Mando Ugdiman, isang aset paniktik ng militar, sa Sityo Tagda, Barangay Dolis. Nasamsam kay Ugdiman ang isang .45 pistola, mga bala at iba pang kagamitang pandigma.

Noong Disyembre 13, patay ang aset paniktik na si Amay Jimenez sa Sityo Makilo, Barangay Camansi, Kabankalan City sa operasyon ng BHB-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr Command). Sangkot si Jimenez sa pagtukoy sa lokasyon at pagplano ng pagpatay noong Nobyembre 2022 sa kapatid niyang lider magsasaka na si Joseph Jimenez at konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines na si Ericson Acosta. Isa pang aset paniktik ang pinarusahan sa Sipalay City noong Disyembre 4. Depensang kagila-gilalas

Sa Samar, dalawang sundalo ng Intelligence Service of the AFP (ISAFP) at Military Intelligence Batallion (MIB) sa ilalim ng 8th ID ang napatay sa armadong engkwentro sa BHB-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) sa Barangay Babaclayon, San Jose de Buan. Naganap ang labanan ala-1:32 ng madaling araw noong Disyembre 3.

Ayon sa ulat ng BHB, dalawang mandirigma nito ang nasa komunidad para konsultahin ang masang sinasalanta ng militarisasyon ng mga sundalo. Hindi bababa sa 20 tropang militar ang tatlong araw nang nag-ooperasyon sa naturang komunidad nang araw na iyon.

Pinalibutan ng mga operatibang paniktik ng militar ang bahay na kanilang tinuluyan at pilit silang pinasusuko. Sa harap nito, siniguro ng mga Pulang mandirigma ang kaligtasan ng mga sibilyan, at ligtas na pinalabas ng bahay ang buong pamilya. Pinaputukan ng isang Pulang mandirigma ang mga sundalo na kanilang ikinagulat. Sa mismong harapan ng mga kaaway dumapa ang Pulang mandirigma habang nagpapaputok ng kanyang dalang pistola. Dalawang pasistang tropa ang napatay sa harapang labanan. Para makalayo, tumalon ang dalawang Pulang mandirigma palabas ng bahay habang pinapuputukan ng kaaway. Nasugatan ang isa sa mga mandirigma.

Mga aksyon ng BHB sa Negros at Samar