Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Ikatlong Kabanata: Ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


III. Ang Makauring Batayan ng Istratehiya at mga Taktika

Ang pagsusuri sa mga uri sa lipunang Pilipino ang nagtatakda ng istratehiya at mga taktika ng rebolusyong Pilipino. Kung walang komprehensibong pagtingin sa iba't ibang uri mula sa proletaryong rebolusyonaryong pananaw, hindi natin talaga matitiyak ang ating tunay na mga kaibigan at tunay na mga kaaway. May mapagpasyang importansya sa rebolusyon ang pagkilala sa tunay na mga kaibigan at tunay na mga kaaway. Kung hindi ay makakagawa tayo ng grabeng mga pagkakamali at maililigaw natin ang rebolusyon.

Batay sa pagsusuri natin sa mga uri sa lipunang Pilipino, ang mga pwersang pampakilos o kakampi ng rebolusyong Pilipino ay ang proletaryado, ang uring magsasaka, ang petiburgesya, at sa ilang panahon sa limitadong saklaw, ang pambansang burgesya. Sila ang higit na nakakaraming mayorya ng mamamayang Pilipino na inaapi't pinagsasamantalahan ng imperyalismong EU, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Sa kabilang banda, ang mga target o kaaway ng rebolusyong Pilipino ay ang imperyalismong EU at mga lokal na alipuris nito, ang mga malalaking burges na komprador, ang mga panginoong maylupa at ang mga burukratang kapitalista. Sila ang napakaliit na minorya ng populasyon. Kailangan silang ibagsak para makamit ang pambansang kalayaa't demokrasya.

Sa tamang pagsunod natin sa rebolusyonaryong linyang makauri, pwedeng pukawin at mobilisahin ang pwersang parang higanteng kukubkob o gigipit, maghihiwalay at dudurog sa mga kaaway ng rebolusyong Pilipino. Nananawagan tayo sa buong bansang Pilipino na maglunsad ng pambansang gera sa pagpapalaya laban sa imperyalismong EU. Nananawagan tayo sa malawak na masa ng mamamayan na maglunsad ng demokratikong rebolusyon, na pangunahi'y gerang magsasaka, para durugin ang pyudal na batayang panlipunan ng paghaharing imperyalista.

1. Ang Makauring Liderato at ang Partido

Hindi magkakaroon ng matagumpay na rebolusyon kung wala ang tamang liderato ng isang tiyak na uri. Ang proletaryado ang namumunong uri sa rebolusyong Pilipino ngayon. Sila ang pinakaabanteng pwersa sa produksyon at pulitika at sa buong mundo. Sila ang nagdadala sa bandera ng unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong, na kung wala ay hindi pwedeng lumitaw ang tunay na rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas sa kasalukuyang panahon.

Mula noong Unang Digmaang Pnadaigdig at Rebolusyon ng Oktubre, nang pumihit ang takbo ng kasaysayan ng mundo sa landas ng sosyalismo mula sa landas ng kapitalismo, ang proletaryadong Pilipino lamang ang nagkaroon ng kakayahang unawain at yakapin nang husto ang mga mithiing makabayan at progresibo at yakapin nang husto ang mga mithiing makabayan at progresibo ng buong sambayanang Pilipino. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ng pambansang paglaya ng sambayanang Tsino at iba pang mga sambayanan, at pagkatapos ng Dakilang Proletaryong Rebolusyon sa Kultura, lalo pang luminaw ang istorikong papel ng proletaryadong Pilipino bilang namumunong uri ng rebolusyong Pilipino.

Nitong nakaraang tatlumpung (30) taon, sila ang uri sa lipunang Pilipino na nangahas sa mamamayan sa landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa mga dayuhan at lokal na mang-aapi't mapagsamantala. Sila ang uring nakapagtamo ng pinakamalalim na karanasan at mga aral sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino.

Dahil sa kalikasan ng uring proletaryo, hindi lamang sa kagyat na hinaharap makakaya nilang magbigay ng rebolusyonaryong liderato kundi pati sa malayong hinaharap hanggang maabot ang yugto ng komunismo. Pinamumunuan nila ang kasalukuyang yugto ng demokratikong rebolusyon ng bayan at pamumunuan din ang kasunod na yugto, ang rebolusyong sosyalista.

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ang pinakaabanteng kumakatawan at prinsipal na instrumento ng rebolusyonaryong liderato ng proletaryadong Pilipino sa pagtupad sa makasaysayan nilang tungkulin. Binubuo ang Partido ng pinakaabanteng mga elemento ng proletaryado at kung gayo'y konsentradong ekspresyon ito ng lakas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ng proletaryado bilang uring namumuno.

Kung wala ang rebolusyonaryong Partidong ito, hindi magkakaroon ng rebolusyonaryong kilusan. Responsable ang Partido sa tamang paggamit ng unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong sa kongkretong kundisyon ng lipunang Pilipino. Ang praktikal na liderato at mga patakaran nito ang nagtatakda sa takbo ng rebolusyonaryong kilusan. Bilang pangkalahatang pamunuan ng rebolusyong Pilipino, tinitiyak ng Partido na maisusulong ng tamang istratehiya at mga taktika ang rebolusyong simulain.

Kahit medyo maliit ang proletaryado sa lipunang malakolonyal at malapyudal tulad ng sa Pilipinas, ang Partido Komunista ng Pilipinas bilang pinakaabanteng destakamento nila ay malalim na nag-uugat sa malawak na masa ng mamamayan at nagpapalakas para maging di magagaping pwersa sa bag-as ng buong rebolusyonaryong kilusang masa. Mahigpit na ikinakawing ng Partido ang proletaryado sa uring magsasaka at pati sa iba pang rebolusyonaryong uri at grupo sa Pilipinas. Sa pagbibigay ng Partido ng proletaryong liderato sa uring magsasaka, mahahawakan ang prinsipal nitong sandata, ang malakas na hukbong bayan, at mapapaunlad ang batayan para mahawakan ang isa pang makapangyarihang sandata, ang pambansang nagkakaisang prente ng lahat ng rebolusyonaryong uri at saray.

Sa masidhing pag-aalala sa peligro ng modernong rebisyonismo at sa di pa nawawalang kontrarebolusyonaryong linyang rebisyonista nina Lava at Taruc, ang Partido ay walang pagod na naglulunsad ng kilusang pagwawasto para maiwaksi ang mga pagkakamali noong nakaraan at pati sa kasalukuyan.

2. Ang Kalakhang Pwersa at ang Armadong Pakikibaka

Ang uring magsasaka ang kalakhang pwersa ng rebolusyong Pilipino. Sila ang pinakamalaking pwersang masa sa isang bayang malakolonyal at malapyudal. Kung wala ang makapangyarihang suporta nila, hinding-hindi magtatagumpay ang demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang problema nila ay hindi pwedeng hindi maging pangunahing problema ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Sa paglutas lamang sa problemang ito mapupukaw at mamomobilisa ng proletaryado at ng Partido nila ang masang magsasaka.

Walang solusyon sa problema ng magsasaka kundi ang maglunsad ng armadong pakikibaka, magsagawa ng rebolusyong agraryo at magtayo ng mga rebolusyonaryong base. Habang isinasagawa ang rebolusyonaryong pakikibaka para sa lupang bilang paraan ng pagtupad sa pangunahing demokratikong nilalaman ng rebolusyong Pilipino, natutupad din ang sentral na tungkulin ng buong pambansang rebolusyonaryong kilusan na agawin at konsolidahin ang kapangyarihang pampulitika. Mabubuo lamang ang mga pangunahing armadong pangkat ng rebolusyong Pilipino sa paglulunsad ng gerang magsasaka. Kung gayon, di maiiwasan na sa uring magsasaka lamang pwedeng magmula ang malawak na mayorya ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbang Bayan.

Magkakamali ang isang Partido Komunista sa malakolonyal at malapyudal na bayan kung sa kalunsuran imbis na sa kanayunan ibibigay ang prinsipal na diin ng gawaing masa nito. Kapag ganoon ang ginawa ay maililigaw ito at makakagawa ng "Kaliwang" oportunistang pagkakamali na tangkaing agawin ang kapangyarihan batay sa pangunahin sa lakas ng masa ng proletaryado sa kalunsuran, nang walang sapat na suporta mula sa uring magsasaka, o makakagawa naman ng Kanang oportunistang pagkakamali na umasa nang walang hanggan sa parlamentaryong pakikibaka at sa mga walang prinsipyong pakikipagkompromiso sa mga mga imperyalista't mga naghaharing uri tulad ng tinatangka ngayong gawin ng mga lokal na rebisyonistang taksil.

Dahil isinasaalang-alang ang di pantay na pag-unlad ng lipunang Pilipino, ang dapat bigyan ng prinsipal na diin ay ang rebolusyonaryong pakikibaka sa kanayunan at ang dapat bigyan ng sekundaryong diin ay ang rebolusyonaryong pakikibaka sa kalunsuran. Sa lahat ng oras, dapat maging mahusay ang koordinasyon ng rebolusyonaryong pakikibaka sa kalunsuran at sa kanayunan. Pero hinding-hindi natin dapat kaligtaan ang sentral na katotohanan na nasa kanayunan ang pinakamahinang mga kawing ng kapangyarihang pampulitika ng kaaway at doon pinakamalawak ang lugar na mapapagmaniobrahan ng armadong pwersa ng bayan sa pira-pirasong pag-ubos at hakbang-hakbang na pagdurog sa kontrarebolusyonaryong armadong pwersa.

Dapat masigasig na ipatupad ang istratehikong linya ni Tagapangulong Mao na kubkubin ang kalunsuran mula sa kanayunan. Sa kanayunan mapipilit ang kaaway na ikalat nang manipis ang kanilang pwersa, at maaakit sila sa mga lugar na ang inisyatiba ay ating-atin. Kahit sa umpisa'y istratehikong nakukubkob tayo ng kaaway, isa laban sa sampu (10), sa taktika'y makukubkob naman natin sila, sampu (10) laban sa isa. Sa katagalan, ang agos ng gera ay siguradong maipipihit laban sa kanila habang nababawasan ang aktwal nilang pwersa at sa mga dahilang pampulitika'y nahihirapan silang kumuha ng bago. Sa lahat ng oras, mapipilitan silang magtalaga ng napakalaking pwersang militar kahit man lamang sa istatikong pagdedepensa sa kanilang mga syudad, malalaking kampo at mga pangunahing linya ng komunikasyon at transportasyon. Sa katagalan ay masasangkot din nang husto ang kanilang parasitiko't pasibong pwersang militar sa mga hidwaan ng mga paksyon ng mga reaksyonaryong uri.

Sa kanayunan, makakapagpaunlad tayo ng ilang larangan ng labanan na iba't iba ang kalidad, mula mga sonang gerilya hanggang mga baseng purok. Sa gawaing ito, lagi tayong magtiwala at umasa sa masa dahil ang rebolusyon ay pagsisikap ng masa. Dapat lagi tayong pangunahing umasa sa mga maralitang magsasaka, nakakababang-panggitnang magsasaka at lahat ng seksyon ng proletaryado at malaproletaryado na nasa kanayunan. Isa pa, dapat nating kunin sa panig ng rebolusyon ang mga panggitnang magsasaka at nyutralisahin ang mga mayamang magsasaka para maihiwalay at madurog ang mga pangunahing haligi ng pyudalismo at lahat ng iba pang lokal na tirano.

Sa paglikha ng mga baseng purok natin, umaasa tayo sa matatag na organisasyon ng Partido, malakas-lakas na Pulang Hukbo, tereyn na paborable sa operasyong militar at sapat na mapapagkunan ng kabuhayan.

Ang pinakaatrasadong mga purok sa kanayunan ay magagawa nating pinakasulong na moog sa pulitika, militar, ekonomya at kultura ng rebolusyon. Malilikha na natin ang armadong independyenteng rehimen sa kanayunan kahit hindi pa natatalo ang kaaway sa kalunsuran. Makakasulong lamang ang rebolusyon batay sa mga solidong demokratikong tagumpay sa kanayunan. Dahil di pantay ang pag-unlad ng lipunang Pilipino, sa di pantay na paraan lamang pwedeng umunlad ang demokratikong rebolusyon ng bayan. Kung gayon, kailangan ang matagalang digmang bayan para puspusang maganap ang rebolusyon sa buong Pilipinas.

3. Ang Saligang Alyansa at ang Pambansang Nagkakaisang Prente

Ang saligang alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka ang nagsisilbing matibay na pundasyon ng pambansang nagkakaisang prente. Sa pagbubuo lamang ng ganitong alyansang pwedeng maakit sa pambansang nagkakaisang prente ang mga panggitnang pwersang tulad ng petiburgesya at pambansang burgesya para maihiwalay ang mga pusakal na kaaway. Nagsisilbi ang pambansang nagkakaisang prente sa linyang pampulitika ng Partido na ang rebolusyong Pilipino sa saliga'y rebolusyon ng masang anakpawis laban sa imperyalismong EU, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Sa pamamagitan ng pambansang nagkakaisang prente, malawak na napapalaganap ng Partido ang pampulitikang impluwensya nito at natatamo ang pinakamalawak na suporta ng masa at iba pang progresibong uri at saray. Nakabatay ang malawak na gawaing ito sa mga pagsisikap ng proletaryado na itayo ang independyenteng lakas nila sa pamamagitan ng armadong pakikibaka na pangunahing sinusuportahan ng uring magsasaka. Ang tunay na nagkakaisang prente para sa demokratikong rebolusyon ng bayan ay para sa paglulunsad ng armadong pakikibaka.

Hanggang ngayon ay ikinakalat ng mga kontrarebolusyonaryong rebisyonista ang lumang nakakalasong ideya na ang nagkakaisang prente ay pangunahing para sa parlamentaryong pakikibaka. Gusto nilang palaganapin ang dating pagkakamali ng Prente Popular, Demokratikong Alyansa at MAN. Nalimita noon ang Prente Popular sa pagiging kampanyang nakabase sa syudad para sa pagboboykot ng mga kalakal ng Hapon at pagiging kasangkapan sa mga reaksyonaryong eleksyon noong bago magkagera, at sa katagala'y naging instrumento lamang ng imperyalistang EU at ng papet ng gobyernong komonwelt. Ang pangunahing dahilan naman ng pag-oorganisa ng Demokratikong Alyansa ay para suportahan ang parlamentaryong pakikibaka ng isang liderato ng Partido na nagdisarma sa Hukbalahap pagkatapos ng gera para gawing liga ng mga beterano at ligal na organisasyon ng mga magsasaka. Ang MAN ay instrumento ngayon ng mga taksil na rebisyonistang Lava at iba pang oportunista na sabik makakuha ng pwesto sa reaksyonaryong gobyerno dahil sa kanilang "makabansang" reputasyon.

Nanloloko ang mga kontrarebolusyonaryong rebisyonista sa pagsasabing kailangan ang "absolutong" pagkakaisa sa loob ng isang tiyak at pormal na organisasyon ng pambansang nagkakaisang prente. Maling ideya ito dahil sa loob ng tunay na nagkakaisang prente ay laging may pagkakaisa at tunggalian batay sa magkakaibang interes ng mga uri, at hindi kailangang laging may tiyak at pormal na organisasyon ang pambansang nagkakaisang prente. Kailangang imantini lagi ng proletaryado at ng Partido ang kanilang liderato, independensya at inisyatiba sa loob ng nagkakaisang prente habang kinikilala ang independensya at inisyatiba ng kanilang mga alyado at binibigyan ng konsesyon ang mga ito, sa kundisyong may pagkakasundo sa pangkalahatang programang tumutugma sa pangkalahatang linya at programa ng demokratikong rebolusyon ng bayan, at sa kundisyong hindi makakasira ang ganoong mga konsesyon sa saligang interes ng masang anakpawis.

Kaugnay ng pambansang burgesya laluna, alam na alam ng Partido na kailangan ang pagkakaisa at tunggalian sa nagkakaisang prente. May dalawang katangian ang uring ito: rebolusyonaryo ang isang aspeto at reaksyonaryo ang isa pang aspeto. "Kaliwang" oportunismo na itakwil ang uring ito bilang ganap na kontrarebolusyonaryo, at Kanang oportunismo naman na yakapin sila bilang ganap na rebolusyonaryo. Ang tamang patakaran ay makipagkaisa sa kanila hanggang sa antas lamang na katumbas ng pagsuporta nila sa rebolusyon sa loob ng partikular na panahon, at kasabay nito'y punahin sila sa pagdadalawang-loob o tendensya nilang magtraydor sa rebolusyon. Dahil sa patakarang ito, lagi tayong magiging mapagmatyag.

Sa pagdiskusyon sa tungkulin ng iba't ibang pwersang pampakilos ng rebolusyong Pilipino, naipaliwanag nang ang tatlong sandatang agimat ng rebolusyong Pilipino ay ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang Bagong Hukbong Bayan at ang pambansang nagkakaisang prente. Sa madaling sabi, ang Partido Komunista ng Pilipinas, na kumakatawan sa proletaryado, ay gumagamit ng dalawang makapangyarihang sandata, ang armadong pakikibaka at ang nagkakaisang prente.


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.