Dayuhang pagmimina, todong nilalabanan sa Nueva Vizcaya

,

Noong Enero 23, pitong residente ng Dupax del Norte, Nueva Viscaya ang inaresto sa kanilang barikada laban sa planong pagmimina ng kumpanyang British na Woggle Corporation sa kanilang barangay. Gamit ang 400 pulis, katuwang ang mga tauhan mula sa Bureau of Fire Protection, pwersahang ipinasok ng kumpanya ang drilling equipment (pambutas sa lupa), backhoe at iba pang makinarya.

Nagmula ang utos na buwagin ang barikada at arestuhin ang taumbaryo sa desisyon noong Enero 19 ng Regional Trial Court 30 ng Nueva Vizcaya. Sa mismong araw ng pambubuwag, daan-daang residente, kanilang mga tagasuporta, mga taong simbahan at myembro ng mga grupong makakalikasan ang humarang sa daan.

Kabilang sa inaresto si Florentino Daynos, isa sa mga lider ng Defend Dupax del Norte. Noong Enero 26, pinalaya rin siya at anim pang iba matapos ibasura ng piskalya ang kasong “resistance and disobedience against person in authority” at ang idinagdag na kasong “obstruction of justice” laban sa kanila.

Liban sa korte at pulis, nagbanta na rin ang militar sa pamamagitan ng 86th IB na susupilin ang laban ng mga taga-Dupax sa tabing ng “pagbabantay” at Red-tagging sa mga organisasyong sumusuporta sa laban ng mamamayan.

Barikada, protesta at pakikiisa

Itinayo ng mga residente ng Sityo Keon, Barangay Bitnong, Dupax del Norte ang kanilang barikada noong Setyembre 17, 2025 bilang depensa sa kanilang lupa, kabuhayan, at kinabukasan ng susunod na henerasyon. Napigilan nila ang pagpasok ng sasakyan, makinarya, at tauhan ng kumpanya sa daan patungong exploration area.

Unti-unting nakilala ang mga taga-Dupax sa kanilang matapang na paglaban sa dayuhang kumpanya. Nakuha nila ang suporta ng Diyosesis ng Bayombong, kalapit na mga eskwelahan at maging ilang lokal na upisyal sa gubyerno. Dinayo ang barikada ng mga tagapagtanggol ng kalikasan, at progresibong grupo at kongresista. Tumampok ang barikada sa midya at social media sa loob at labas ng bansa.

Noong Enero 24, nagprotesta ang mga grupong maka-kalikasan at progresibo sa pangunguna ng Kalikasan sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City upang kundenahin ang pagpahintulot ng kagawaran sa eksplorasyon ng Woggle sa kabila ng malinaw na pagtutol ng komunidad. Noong Enero 28, muli silang nagprotesta sa harap ng upisina ng FCF Mining sa Makati City.

Sa London, nagprotesta ang London Philippine Solidarity, kasama ang mga progresibong grupong migrante, sa upisina ng Metals Exploration PLC, ang kumpanyang may-ari ng Woggle. Inilunsad ng mga grupo sa United Kingdom ang kampanyang “British Mining Out of the Philippines” upang ipanawagan ang pagwawaksi ng operasyong mina ng mga kumpanya mula sa Great Britain na dumarambong at sumisira sa likas na yaman ng Pilipinas at lumalabag sa karapatang-tao.

Mapangwasak na pagmiminang British sa Nueva Vizcaya

Hindi bago ang laban sa dayuhang pagmimina sa Nueva Vizcaya. Bago ang laban sa Woggle, aktibo nang nilalabanan ng mga residente dito ang FCF Mining. Pinatatakbo nito ang Runruno Gold-Molybdenum Project sa Barangay Runruno, na 20 kilometro lamang ang layo mula sa Dupax del Norte. Paubos na ang mina sa Runruno na sinimulang minahin ng FCF noong 2005 kung kaya’t nagpapalawak ito sa Dupax del Norte at ganundin sa Abra. Ang FCF Mining, na buong pagmamay-ari ng Metals Exploration PLC, ay nagmamay-ari sa 60% ng Woggle. Ang Metals Exploration ang direktang nagmamay-ari sa natitirang 40%.

Sa Runruno, matagal nang iginigiit ng mga residente at mga organisasyon sa kalikasan na ipasara ang FCF Mining dahil ang operasyon nito ay nasa loob o malapit sa Magat Watershed—isang protektadong lugar na pinagkukunan ng irigasyon ng mahigit 84,000 ektarya ng sakahan sa Cagayan Valley at sumusuporta sa 61,812 magsasaka at 360 asosasyon sa irigasyon. Alinsunod sa mga petisyon na isinumite ng mga grupong maka-kalikasan, ang minahan sa Runruro ay nagtatambak ng lasong basura at nagdudulot ng polusyon sa ilog, pagbaha, at iba pang kapahamakan sa kapaligiran. Sa kabila nito, patuloy na tumatanggi ang DENR sa kahilingang ipasara ang mina. Sa halip, tinawag nitong “walang basehan” ang mga petisyon at ginamit ang teknikal na dokumento tulad ng Environmental Compliance Certificate at Environmental Protection and Enhancement Program para tabunan ang lehitimong pangamba ng mamamayan.

Ayon sa isang dokumento ng Metals Exploration PLC, layon ng kumpanya sa pagpasok sa Dupax del Norte ang maipagpatuloy ang operasyon ng pagproseso ng ore ng FCF Mining sa Barangay Runruno. Planong dalhin at iproseso sa Runruno ang anumang potensyal na mamina mula sa Dupax del Norte. Sa gayon, tinitiyak nito ang pangmatagalan at walang patid na pandarambong sa likas na yaman ng Nueva Viscaya, habang ang mga residente nito ang nagdurusa sa pagkasira ng kapaligiran, pang-aagaw ng lupa at dulot nitong panlipunang pinsala.

Simbolo ang Runruno ng pagbebenta ng estado sa pinagkukunan ng tubig at produksyon ng pagkain ng Cagayan Valley sa kapitalistang British. Ito ang nagpatatag sa paninindigan ng mga Novo Vizcayanon na labanan ang mina. Panawagan nila: “Ipamana, huwag ipamina!”

Liban sa Dupax, katulad na paghihirap at karahasan ang isang dekada nang dinadanas ng mga residente ng Barangay Didipio, Kasibu na lumalaban sa OceanaGold, isang kumpanyang Australian-Canadian. Matagal na ang paglaban ng mga magsasaka at katutubong komunidad dito laban sa mapangwasak na malawakang pagmimina at dayuhang pandarambong na sumisira sa lupang ninuno, ilog, at kabuhayan.

Dayuhang pagmimina, todong nilalabanan sa Nueva Vizcaya