Mga economic zone para sa dayuhang negosyo at pagsasamantala, dinagdagan
Dalawang bagong economic zone (ecozone) ang idineklara ng rehimeng US-Marcos sa bisa ng isang proklamasyon noong Enero 6. Itatayo ito sa Batangas at Iloilo, dagdag sa 32 nang binuksan ng rehimen mula nang maupo sa poder. Ngayong 2026, target ng rehimen na makapagbukas ng 30 pang ecozone, pangunahin sa kanayunan.
Itatayo ang isang bagong ecozone sa Tanauan City, Batangas. Ekstensyon ito sa nakatayo nang First Industrial Township-Special Economic Zone sa Barangay Pagaspas at Trapiche. Mahigit limang ektaryang lupa ang saklaw ng kabuuang ecozone. Nangangamba ang mga residente rito na palalayasin ang mga komunidad na tatamaan ng ekspansyon.
Sa Iloilo City, itatayo sa Barangay San Rafael, Mandurriao District ang isa pang econzone na sasaklaw sa 3.8 ektaryang lupa. Magsisilbi itong IT Park na magiging sentro ng business process outsourcing o BPO.
Magsisilbi ang bagong mga ecozone bilang engklabo ng mura at kiming lakas-paggawa ng mga manggagawang Pilipino. Dito, nakapako ang sahod at benepisyo, mahigpit ang mga pagbabawal sa pag-uunyon at welga, at laganap ang panunupil sa karapatan sa paggawa. Para akitin ang mga dayuhang kumpanya, binibigyan sila ng samutsaring mga insentiba, kabilang ang hindi pagsingil sa kanila ng buwis.
Hindi bababa sa 430 ang ecozone sa buong bansa. Ang mga ito ay nasa direktang pangangasiwa ng Philippine Economic Zone Authority (Peza), ahensya sa ilalim ng Department of Trade and Industry, na itinatag noong 1995 sa bisa ng Republic Act (RA) No. 7916 o The Special Economic Zone Act of 1995.
Bago pa ang PEZA, itinatayo na ang katulad na mga sona sa bisa ng RA No. 5490 o Foreign Trade Zone Authority (1969) at Presidential Decree No. 66 na lumikha sa Export Processing Zone Authority (1972), kapwa sa ilalim ng rehimeng US-Marcos I.
Karaniwang pamumuhunan sa mga PEZA ang mga industriya ng pagmamanupaktura, information technology o serbisyo, agro-industriyal, turismo at paglilibang, malayang pagpapalitan at lohistika, na lahat ay para sa eksport. Noong 2025, iniulat ng rehimen na umabot sa ₱260.89 bilyon ang aprubadong pamumuhunan sa mga ecozone, pinakamataas mula noong 2016. Gayunpaman, maliit na bahagi lamang ito ng kabuuang pamumuhunan ng bansa.
Sa 2026, target ng rehimeng Marcos na makaakit ng dayuhang pamumuhunan na nagkakahalaga ng ₱300 bilyon. Taliwas sa pagmamalaki ni Marcos, walang makabuluhang ambag ang mga ecozone sa lokal na produksyon.
Para sa masang manggagawa, sa kabila ng “lumalaking pamumuhunan” ay nanatiling barat ang arawang sahod. Sa pagtatapos ng 2025, nakapako sa ₱695 ang minimum na arawang sahod sa National Capital Region, sinundan ng ₱600 sa Region IV-A at pinakamababa sa BARMM sa halagang ₱411. Ang barat na arawang sahod sa mga rehiyon ang dahilan kung bakit prayoridad ng PEZA na magtayo ng mga bagong ecozone sa mga prubinsya.
Laban sa “forced leave” sa loob ng ecozone
Sa Freeport Area Bataan (FAB) sa Mariveles sa Bataan, ang kauna-unahang ecozone sa bansa, nagkamit ng paunang panalo ang mga manggagawa ng FCF Manufacturing Corporation kamakailan laban sa mapagsamantalang patakaran ng kumpanya na “forced leave.” Matapos ang halos isang taon na pakikibakang ligal, kinatigan ng labor court ang mga manggagawa at idineklarang “iligal” ang iskemang “forced leave.”
Noong Abril 2025, nagsampa ng reklamo ang mga manggagawa sa National Labor Relations Commission sa San Fernando City, Pampanga kaugnay ng apat na buwang “forced leave.” Karaniwan itong ipinatutupad kapag “walang produksyon” ang pabrika na kasunod ng panahon ng “hataw” o maramihan at mabilisang paggawa. Anang mga manggagawa, hindi sinunod ng kumpanya ang pagbibigay-abiso bago ang “forced leave” at walang anumang kumpensasyon na ibinigay sa mga apektado.
Ang FCF ay gumagawa ng mamahaling mga kagamitan tulad ng leather bag at wallet na may tatak na Coach at Kate Spade. Kabilang ang FCF sa mga kumpanya ng Fashion Focus Ltd, isang kumpanya na nakabase sa China.