Pagbuhay ni Trump sa imperyalista at interbensyunistang doktrinang Monroe
Noong Disyembre 2025, inilabas ni Donald Trump ang National Security Strategy ng imperyalistang US. Sinundan ito ng paglalabas ng National Defense Strategy noong Enero 26. Sa parehong dokumento, tampok ang sinasabing “Trump corollary” o pagdudugtong sa doktrinang Monroe na nagtulak ng dominasyon ng US sa Western Hemisphere o kanlurang bahagi ng mundo.
Unang ipinatupad ng US ang “doktrinang Monroe” noong 1823 para ipagkait sa noo’y kolonyalistang mga bansang European ang Latin America, na inangkin ng US bilang sariling bakuran, at ang mga rekurso at bentahe dito bilang kanya lamang.
Dalawang siglo makalipas, muling binuhay ang doktrina sa pinaigting na interbensyong militar sa Latin America. Tulad ng naunang “Roosevelt Corollary” (1904), agresibong iwinawasiwas ni Trump ang superyor na lakas militar ng US para gipitin at brasuhin ang mas mahihinang bansa at alyado sa Latin America, North America at Europe.
Doktrina ng imperyalistang interbensyon at agresyon
Pinapayungan ng “Trump corollary” ang kasalukuyang mga atake, agresyon at panggigipit ng imperyalismong US sa Western Hemisphere at ibang bahagi ng mundo.
Noong Enero 3, sinalakay ng militar ng US ang Venezuela at dinukot ang presidente nitong si Nicolas Maduro at asawa niyang si Cilia Flores sa tangkang paluhurin ang soberanong gubyernong Chavista at agawin ang rekursong langis ng bansa. Noong Enero 29, nagdeklara si Trump ng “national emergency” kaugnay sa Cuba at ipinag-utos ang pagpataw ng dagdag na taripa sa mga bansang nagsusuplay dito ng langis. Kasabay nito ang mga pambabanta niya ng pagpataw ng katulad na mararahas na sangsyon sa Colombia, Nicaragua, Mexico at iba pang mga bansang nakikipagkalakan sa Russia at China.
Hindi pa man nakaupo sa pwesto, nagbanta na si Trump noong 2024 na sasalakayin ang Panama kung hindi nito “ibabalik” sa US ang kontrol sa Panama Canal. Tinambakan niya ang bansa ng mga tropang Amerikano sa tabing ng mga war games. Dulot ng matinding presyur, naglabas ang Korte Suprema ng Panama noong Enero ng kautusan para palayasin ang mga kumpanyang Chinese sa lagusan at ibenta ang mga pasilidad dito sa BlackRock, ang pinakamalaking Amerikanong kumpanya sa pinansya.
Noon ding Enero, pinagbantaan ni Trump ang walong bansang myembro ng NATO na papatawan niya ng hanggang 25% taripa ang mga eksport ng mga ito kung patuloy nilang tututulan ang balak ng US na “bilhin” ang Greenland mula sa Denmark. Plano ng US na gawing base militar ang buong isla at ipwesto dito ang samutsaring misayl para sa depensa ng US (tinawag na Golden Dome) mula sa mga “atake ng China, Russia, North Korea at Iran.” Napaatras si Trump matapos magbanta ang mga bansang European na gaganti at magpapataw ng matataas na taripa sa mga produktong Amerikano. Gumawa rin ng hakbang ang naturang mga bansa para mas malawak na makipagkalakalan sa China.
Labas sa Western Hemisphere, tuluy-tuloy ang henosidyo, panggegera at panunulsol ng gera ni Trump, kabilang sa Palestine, sa awtonomos na rehiyon ng Rojava sa Syria, Iran, Russia at iba pa. Sa Asia, iwinawasiwas niya ang kapangyarihang militar ng US sa naglalakihang war games at papalaking presensya sa rehiyon. Gamit ang Pilipinas bilang lunsaran, walang-awat ang mga operasyong nabal ng US sa South China Sea para sulsulan ang China at hamunin itong makipaggera.
Pagguho ng ilusyon ng “international rules-based order”
Tuluyan nang binitawan ni Trump ang pagkukunwaring umiiral ang isang “internasyunal na kaayusang nakabatay sa mga tuntunin” at na ito’y itinataguyod ng US. Sa isang pagpupulong ng mga lider ng mga kapitalistang bansa noong Enero 20, idineklara ng mga alyado ng US na “patay na” ang naturang kaayusan.
Sa tabing ng “America First” (Amerika Muna), pinirmahan niya ang kautusan para iatras ang US sa 66 internasyunal na organisasyon at kasunduan noong Enero 6. Kabilang sa mga ito ang 31 ahensya ng United Nations (UN). Naging pinal na rin ang pag-atras ng US sa World Health Organization noong Enero 22. Itinigil ng US ang pagbibigay ng pondo sa mga ito na nagresulta sa maramihang pagsasara ng mga upisina at naglalagay sa UN sa bingit ng pagguho. Itinatag ni Trump ang “Board of Peace” na ang unang tungkulin ay gawing direktang kolonya ng US at Israel ang Gaza.
Sa loob ng US, ginagamit din ni Trump ang “America First” laban sa kunwa’y “malawakang migrasyon” ng mga “kriminal” at “iligal na dayuhan.” Binibigyang katwiran nito ang pasistang kampanyang kontra migrante, imigrante at maging ng sariling mamamayan na pwersahang ikinukulong at pinatatalsik mula sa bansa. Nagdulot ito ng matinding ligalig at karahasan, na sinagot naman ng papalawak na pagkakaisa at paglaban ng mamamayang Amerikano.