Protesta kontra-korapsyon, ikakasa sa Pebrero 25

,

Inianunsyo ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) noong Enero 19 na muli itong maglulunsad ng malawakang protestang kontra-korapsyon sa Pebrero 25, kasabay ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng pag-aalsang EDSA People Power. Ang grupo ang nanguna sa 100,000-kataong demonstrasyon noong Setyembre 21, 2025 at 20,000-kataong kilos protesta noong Nobyembre 30, 2025 laban sa korapsyon sa Luneta Park, Maynila.

Sa anunsyo ng KBKK, kasama nito ang iba’t ibang mga sektor at grupo na aktibong lumalahok sa kilusang kontra-korapsyon sa bansa. Kabilang dito ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), grupo at konseho ng mga kabataang estudyante na nanguna sa malalaking walkout noong huling bahagi ng 2025, mga manggagawa at maralitang-lunsod, kababaihan, mga guro, manggagawang pangkalusugan, matatanda at iba pa.

Anila, sa kabila ng naging tuluy-tuloy na pangangalampag ng mga grupo at publiko sa rehimeng Marcos ay iilan pa lamang ang napapanagot at wala pang mga nakukulong na “big fish” o bigatin na sangkot sa korapsyon. Binatikos rin nila ang pagratsada ng rehimen sa pagsasabatas sa pambansang badyet para sa 2026 na sa kaibuturan ay batbat pa rin ng pork barrel at iba pang insertion. Dagdag rito, malaking batayan rin ng pagkilos nila ang pagbasura ng komite sa Kongreso sa reklamong impeachment laban kay Marcos.

Pambubusal at panunupil. Kinundena rin ng KBKK ang pambubusal at panunupil ng rehimeng Marcos sa mga tumitindig kontra-korapsyon. Hindi bababa sa 72 indibidwal ang sinampahan ng reklamo ng Philippine National Police (PNP) sa Department of Justice (DOJ) para sa sedisyon at pag-uudyok ng sedisyon na may kaugnayan sa Anti-Cybercrime Prevention Act of 2012.

Kabilang sa mga inireklamo ng PNP sa DOJ si Renato Reyes Jr, pangulo ng Bayan, at mga lider-estudyante mula sa mga konseho, pahayagan at progresibong grupo na sina Tiffany Faith Brillante, Joaquin Buenaflor, Jacob Baluyot, at Aldrin Kitsune. Tinarget ang mga inireklamo dahil sa partisipasyon sa protestang Baha sa Luneta noong Setyembre 21, 2025 at pag-post sa social media ng kanilang mga paninindigang kontra-korapsyon.

Naglunsad ng mga protesta ang mga progresibong grupo laban sa panggigipit ng PNP at rehimeng Marcos. Nanawagan sila na kaagad na ibasura ang mga reklamo. Iginiit nila na ang mga kurakot sa gubyerno ang dapat tugisin at ikulong, hindi ang mga lumalaban sa korapsyon.

Protesta kontra-korapsyon, ikakasa sa Pebrero 25