Social Media Registration Panukala para sa sarbeylans at pagsiil sa karapatan sa pagpapahayag
Noong Enero 21, itinulak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang isang panukalang patakaran para gawing rekisito ang pagpaparehistro ng mga Pilipino sa pagbubukas ng akawnt saanmang plataporma ng social media. Sa ilalim ng panukala, gagawing rekisito ang pagbibigay ng tunay na pangalan at iba pang datos para magamit ang sariling akawnt. Para sa mga edad 18 pababa, kailangan ang magulang para sa beripikasyon.
Oobligahin din ang mga platform na magkaroon ng mahigpit na beripikasyon sa pagkakakilanlan, kabilang ang pagkuha ng larawan ng mukha ng mga gumagamit nito. Ito daw ay upang labanan ang mga krimen online tulad ng mga scam, pagnanakaw ng identidad, at sekswal na pang-aabuso at pagsasamantala sa mga bata. Ang naturang polisiya ay kasalukuyan nang ipinatutupad sa European Union at itinutulak na maipatupad sa buong Southeast Asia. Unang ipinanukala ni Sen. Panfilo Lacson ang parehong polisiya noong Hulyo 2025.
Ayon sa mga grupong Agham at Computer Professionals’ Union, bagamat lehitimo ang mga isyung binanggit ng DICT, tahasang nilalabag ng polisiya ang pribasiya ng mga gumagamit ng social media. Pinapasa ng ahensya ang responsibilidad sa pagpuksa sa mga krimen online sa ordinaryong Pilipino sa halip na papanagutin ang mga kumpanyang nagmamay-ari ng mga social media platform. Ginagawa din nitong normal ang sarbeylans at pangungulekta ng pribadong impormasyon ng mga indibidwal.
Malinaw na bahagi ito ng papatinding sarbeylans, sensura at pagsupil ng rehimeng US-Marcos sa karapatan sa malayang pagpapahayag at pamamahayag ng mamamayan. Wala itong pinag-iba sa dati nang palpak na mga batas tulad ng SIM Registration Law at Cybercrime Prevention Act na naglagay sa mga sensitibong datos ng mamamayan sa kamay ng mapaniil na ahensya ng estado at pribadong kumpanya. Hindi nito nasugpo ang mga krimen online, na nagpapatuloy at lalo pang tumindi.
Paggamit sa social media para sa pasismo
Noong Disyembre 2025 at Enero sa kasalukuyang taon, naging kapansin-pansin ang pagdami ng mga komento sa social media na naglalaman ng galit ng mamamayan laban sa korapsyon at pasismo ng rehimeng US-Marcos. Sa sukdulang galit at pagkasiphayo, marami ang nagpahayag ng kawastuhan ng armadong paglaban na isinusulong ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan. Tumaon ang pagdami ng mga komento sa anibersaryo ng Partido, kung kailan may mga paskil ng pahayag, litrato at bidyo hinggil sa pagdiriwang. Karamihan sa mga komento ay pagpapahayag ng kanilang pagkadismaya sa umiiral na bulok na sistema at pagnanais ng rebolusyon upang mabago ang bulok na kalakaran ng bansa.
Upang pigilan ang pagbwelo ng mga komento, binantaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga nagpahayag ng kanilang hinaing at pinaratangang “nag-uudyok na mag-alsa laban sa gubyerno.” Minaliit ng NTF-Elcac ang mga hinaing bilang “propaganda” at pinalalabas na isa lamang itong “malawakang kampanya sa social media” ng Partido. Dahil sa takot ng ahensya at ng AFP sa lumalawak na disgusto ng mamamayan sa rehimeng Marcos, naglunsad ito ng kampanyang “dumog” gamit ang ahensyang pang-“PR” (public relations) at mga bayarang troll. Kabilang sa pinakilos ng NTF-Elcac ang ilampung libong sundalo ng AFP para lunurin sa panunuya o panlilibak ang sinumang may komentong kritikal o pumupuna sa rehimen at laluna laban sa pang-aabuso ng militar. Hayagan din nilang tinabunan ng fake news ang mga balita tungkol sa paglabag sa karapatang-tao at kinokontrol ang opinyong publiko sa pamamagitan ng sensura sa midya.
Nakabalangkas sa NAP-UPD
Ang online na kampanyang dumog, pagsidhi ng sarbeylans, pagtarget sa mga kritiko ng estado at mga panukalang batas para dito ay nakapailalim sa balangkas ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD). Sa ilalim ng Strategic Communication Cluster nito, nais ng NTF-Elcac na pigilan at kontrolin ang mga daluyan ng impormasyon, pigilan ang rekrutment at kontrahin ang “propaganda” ng rebolusyonaryong kilusan sa loob at labas ng bansa sa pamamagitan ng pagpapakalat ng disimpormasyon, saywar at Red-tagging. Pinalalaganap ng ahensya ang kaisipan na lahat ng pagbatikos sa korapsyon at paniniil ay bahagi ng propaganda ng rebolusyonaryong kilusan, habang ang mga protesta ng mga kabataan laban sa korapsyon ay “terror grooming” para bigyang matwid ang pagsupil sa demokratikong karapatan para sa malayang pagpapahayag at pag-oorganisa.
Sakaling mailusot ang pwersahang rehistrasyon sa social media, hindi lamang madadagdagan ang nakukulektang pribadong impormasyon at mga pananaw, higit pa nitong gagawing sistematiko ang malawakang sarbeylans ng estado. Tulad ng naunang mga batas, tiyak na magiging palpak ang batas sa layuning sugpuin ang online na krimen. Tulad ng naunang pwersahang pagpaparehistro ng SIM Card, tiyak din na milyun-milyong Pilipino ang mawawalang ng akses sa mahalagang serbisyo sa komunikasyon at mapagkakaitan ng boses. Magiging mas madali para sa estado na kontrolin ang opinyon at balita, at pagtarget nito sa mga kritiko.