Mga protesta
Lupa sa Hacienda Luisita, ipamahagi na. Mahigit 150 magsasaka at manggagawang-bukid mula sa Hacienda Luisita, Tarlac, ang nagprotesta sa DAR sa Quezon City noong Enero 26 para kundenahin ang labis nang nabalam na pamamahagi ng lupa at laban sa pang-aagaw ng kanilang lupa ng mga burgesya-kumprador, pasismo at militarisasyon sa asyenda.
Katutubong mamamayan ng Benguet, kontra sa mina. Muling nagprotesta ang katutubong mamamayan at residente ng dalawang barangay ng Itogon, Benguet noong Enero 27 para tutulan ang pagpapalawak ng operasyon ng Sangilo Mines, pag-aari ng Itogon-Suyoc Resources, Inc. Itinaon ang pagkilos sa isinagawang “public scoping” na ipinatawag ng DENR sa Barangay Tuding.
Laban sa pribatisasyon ng palengke sa Cebu, nagpapatuloy. Nagprotesta ang mga manininda sa ilalim ng Carbonhanong Alliance noong Pebrero 5 bilang bahagi ng nagpapatuloy nilang pagtutol sa pribatisasyon ng palengke. Panawagan nilang tanggalin ang Megawide Construction Inc sa konstruksyon ng palengke dahil tiyak na itataas nito ang upa sa mga pwesto.
Manggagawa sa tubuhan, nagrali sa Passi City. Sama-samang nagprotesta ang daan-daang manggagawang-bukid sa tubuhan, maliliit na taga-giling, at myembro ng iba’t ibang samahan ng magtutubo sa Passi City, Iloilo noong Enero 22. Tinuligsa nila ang patuloy na pagbagsak ng presyo ng asukal na, anila, ay bunga ng pagsirit ng importasyon nito sa bansa at kainutilan ng Sugar Regulatory Administration.
Pagtutol ng maralitang mapalalayas ng UP SDG Park. Nagmartsa ang mga residente ng mga maralitang komunidad sa loob ng UP Diliman sa kahabaan ng University Avenue noong Pebrero 5 para tutulan ang pagtatayo ng proyektong Sustainable Development Goals Wellness Park sa kinatitirikan ng kanilang mga bahay at sakahan. Sinalubong sila ng mga kinatawan ng mga konseho ng mag-aaral mula sa iba’t ibang kampus ng UP na noo’y nagdaraos ng kanilang taunang pagpupulong.