Mga pakikibakang manggagawa
Laban para sa CBA ng mga superbisor sa PLDT. Sunud-sunod na pagkilos ang inilunsad ng mga superbisor sa PLDT Inc nitong Enero. Panawagan nila ang pagkakamit ng isang makabuluhang collective bargaining agreement (CBA) para sa 2026-2028 sa pagitan ng Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon ng mga Superbisor sa PLDT (GUTS-PLDT) at pamunuan ng PLDT Inc. Nagsimula ang negosasyon ng mga kinatawan ng GUTS at pamunuan ng PLDT para sa bagong CBA noong Nobyembre 28, 2025 ngunit matapos ang 16 na beses na negosasyon ay wala pang makabuluhang napagkakasunduan.
25-taong isyu ng iligal na tanggalan sa Toyota. Nagpiket ang Toyota Motor Philippines Corporation Workers’ Association sa upisina ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros, Maynila noong Enero 26. Iginiit nila sa ahensya na tugunan na ang 25 taong usapin sa iligal na tanggalan at ang patuloy na pagkakait ng karapatan sa kolektibong negosasyon. Noong 2001, mahigit 230 manggagawang myembro ng unyon ang iligal na tinanggal ng Toyota kasunod ng paggigiit ng unyon ng negosasyon para sa CBA at welga ng mga manggagawa.
Pagbatikos sa mabagal na aksyon ng NLRC Region 3. Nagpiket ang mga myembro ng National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno sa harap ng National Labor Relations Commission Region 3 sa San Fernando, Pampanga noong Enero 21. Binatikos nila ang ahensya sa mga kontra-manggagawang desisyon na inilabas nito sa nakaraan at ang kupad sa pag-aksyon sa iba pang kasong isinampa ng mga manggagawa.
Panawagan para sa umento sa sahod sa Calabarzon. Nagprotesta ang mga manggagawa ng Southern Tagalog sa upisina ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board IV-A sa Calamba, Laguna noong Enero 26. Inirehistro nila ang panawagan para sa dagdag na sahod sa buong bansa na nakasasapat at nakabubuhay sa isang pamilya. Binatikos nila ang ahensya sa pagbibigay ng barya-baryang umento sa sahod sa nakaraan.