Rebolusyonaryong ambag ng martir na kadre militar sa Negros, kinilala
Kinilala at pinarangalan ng rebolusyonaryong kilusan sa Negros noong Pebrero si Reynaldo Erecre (Ka Amek) sa kanyang mayamang ambag sa pagsulong ng rebolusyon sa Negros at Central Visayas. Pinaslang si Erecre ng pasistang mga tauhan ng 94th IB matapos siyang madakip noong Enero 30 sa Sityo Apitong, Barangay Bi-ao, Binalbagan, Negros Occidental.
Ayon sa ulat ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South Central Negros (Romeo Nanta Command), wala sa katayuang lumaban si Erecre nang nadakip siya ng mga sundalo ng AFP. Sadya siyang pinatay gamit ang labis-labis na pwersa, dahilan kung bakit hindi makilala ang kanyang mukha.
Si Erecre ang kalihim ng Panrehiyong Komite ng Partido sa Negros nang siya ay namartir. Nagmula siya sa uring mababang petiburges at lumaki sa Maco, Davao de Oro. Nagtrabaho siya sa isang pabrika ng plywood tumigil sa pag-aaral sa kursong Bachelor of Science in Education.
Nagpultaym siya sa BHB noong 1996. Pagkatapos ng tatlong taon sa serbisyo ay naging kagawad siya ng komite sa larangan. Naging bahagi siya ng yunit partisano ng BHB sa Cebu at Bohol. Isa rin siya sa mga nanguna sa mapangahas na reyd sa hedkwarters ng PNP sa Bohol noong Hunyo 1999 kung saan nasamsam ang mahigit sa 80 armas. Noong 2004, naitalaga siyang upisyal ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon sa Central Visayas.
Noong 2006, nailipat ng gawain si Erecre sa isla ng Negros at nagsilbing kumander at ikalawang kalihim ng Partido sa larangan ng Southeast Negros. Simula 2019, naging kumander si Erecre ng panrehiyong kumand ng BHB sa isla ng Negros (Apolinario Gatmaitan Command) at naging bahagi ng Kalihiman ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa buong isla. Simula 2023, nagsilbi siyang kalihim ng Partido sa isla. Aktibo siyang nanguna at nagtaguyod sa pagsusulong ng kilusang pawawasto sa isla.
Samantala, namartir sa naganap na engkwentro si Joem Golez. Isa siyang istap sa gawaing medikal ng panrehiyong kumand ng BHB. Nagmula siya sa uring mahirap na magsasaka at residente Barangay Quintin Remo, Moises Padilla. Sumapi si Golez sa hukbong bayan noong 2016.