Hatol sa mamamahayag, taong-simbahan sa “terror financing,” banta sa kalayaan sa pamamahayag
Malawakang kinundena ng mga grupo ng mamamahayag sa loob at labas ng bansa, gayundin ng mga taong-simbahan, akademiko at mga grupong progresibo ang hatol na maysala kina Frenchie Mae Cumpio at Marielle Domequil sa kasong “terror financing.” Hinatulan ang dalawa noong Enero 22 ng hanggang 18 taong pagkakabilanggo. Pinagmulta rin sila ng ₱500,000 kada isa.
Tagapangasiwa si Cumpio sa independyenteng media outlet na Eastern Vista at kontribyutor ng Altermidya, habang si Domequil ay istap ng Rural Missionaries of the Philippines. Inaresto sila, kasama ang tatlo pa noong Pebrero 7, 2020. Kolektibong silang kinilala bilang Tacloban 5.
Ikinagulat ng marami ang hatol, lalo’t noong Oktubre 2025, idineklara ng Court of Appeals na walang batayan ang pagsamsam ng estado sa perang nakuha sa katauhan ni Cumpio. Ayon sa korte, walang ligal o aktwal na batayan para masabing may kaugnayan ang pera sa Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan. Samantala, abswelto naman sina Cumpio at Domequil sa hiwalay na kasong illegal possession of firearms and explosives.
Tinawag ng mga mamamahayag ang hatol kina Cumpio at Domequil bilang “kabiguan ng hustisya” at seryosong banta sa dati nang kalunus-lunos na kalagayan ng kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag sa Pilipinas. Binatikos nila ang paggamit ng estado ng batas kontra-terorismo para patahimikin ang mga mamamahayag at iba pang boses ng pagtutol. Liban kina Cumpio at Domequil, di bababa sa 35 pang indibidwal ang kinasuhan ng “terror financing” mula 2021.
Nangangamba rin ang mga internasyunal na organisasyon ng mamamahayag sa anila’y kauna-unahang paghatol sa isang mamamahayag sa kaso ng “terror financing.” Di bababa sa 14 dayuhang embahada sa Pilipinas ang nanawagan na agad na palayain sina Cumpio at Domequil.
Bago at sa araw ng paghatol, naglunsad ng protesta ang mga progresibong organisasyon sa Tacloban City at Metro Manila. Noong Enero 22, daan-daan ang nagtipon sa harap ng Commission on Human Rights para tutulan ang di makatarungang hatol at igiit ang agad na pagpapalaya sa Tacloban 5.