Reklamong impeachment laban kay Marcos, agad na hinarang
Mabilis na ibinasura ng mga kaalyado ni Pres. Ferdinand Marcos Jr sa Kongreso ang inihaing reklamong impeachment para tanggalin siya sa Malacañang. Isinalang ito sa Committe on Justice ng Kongreso noong Pebrero 4 kung saan, sa botong 39-7, idineklarang “di sapat ang laman” ng kasong isinampa laban sa presidente.
Hindi na nagulat ang blokeng Makabayan sa pagbabasura ng reklamo. Anito, patunay ito ng bulok ng sistema ng gubyerno, kung saan ipinagtatanggol ng Kongreso ang interes ng mga magnanakaw at kurakot. Para sa pitong bumoto pabor para litisin ang pangulo, sapat ang batayang pagtataksil sa tiwala ng bayan (betrayal of public trust).
Kasunod na isasalang ng Kongreso ang dalawang reklamong impeachment laban kay Vice Pres. Sara Duterte na isinumite noong Pebrero 2. Isa rito ay inendorso rin ng blokeng Makabayan.
Sa parehong paghahain ng mga reklamo, nagtipon ang mga progresibong grupo sa labas ng Kongreso para suportahan ang kanilang mga kinatawan na naghain nito. Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa na parehong may hakbang para tanggalin sa pwesto ang presidente at kanyang bise sa pamamagitan ng impeachment. Panawagan nila: “Marcos, Duterte, parehong korap, dapat ma-impeach!