Editoryal

Habang binibira ng rehimeng Marcos ang China, namamayagpag ang US sa Pilipinas

, ,

Nitong nagdaang ilang araw, dinumog ng ilang maka-US na pulitiko at upisyal ng rehimeng US-Marcos ang mga upisyal ng embahada ng China sa Pilipinas, na inakusahang “hindi mabuting bisita” at ng “panghihimasok.” Habang kinuha nito ang atensyon ng publiko, tahimik na namamayagpag ang mga pwersang nabal at militar ng US sa bansa, sa tuluy-tuloy nitong pagpapalakas ng pwersang militar sa lupa at karagatan sa palibot ng Pilipinas.

Sumiklab ang mainit na tagisan ng salita matapos magpalaganap si Cmdr. Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard-West Philippine Sea (PCG-WPS), na mapangutyang mga imahe na umalipusta sa lider ng China, taliwas sa mga pamantayan ng galangan ng mga bansa. Nagawa nitong udyukin ang malakas na reaksyon ng mga upisyal ng China, na gumamit ng mabibigat ding salita para hinging patawan ng hakbanging pandisiplina ang upisyal ng PCG.

Ang mga aksyon ni Tarriela ay kalkulado para upatin ang China. Ginawa ito isang araw bago idaos ang “bilateral consultation,” isang dayalogo na pinasinayaan ng China sa Xiamen City. Sadyang papel niya ang paypayan ang antagonismo laban sa China, mula italaga siyang tagapagsalita ng PCG-WPS noong 2023, kasunod ang pagsasanay niya sa Washington.

Sinuhayan siya ng ilang senador sa pangunguna ni Sen. Risa Hontiveros. Napapirma niya ang 15 senador sa resolusyon para batikusin ang China, kasabay ng usap-usapan ng ilang senador na ideklarang “persona non grata” ang upisyal ng embahada nito. Animo’y sinusunog na nila ang tulay ng diplomasya.

Si Hontiveros ay kilalang Amboy at manunulsol ng sentimyentong anti-China. Habol niya ang suporta ng US para sa ambisyon sa 2028. Pagbabalatkayo lamang ang “pagtatanggol sa soberanya” na ginawa niya at Senado sa pagbatikos sa China. Hindi kumibo ang Senado sa pagpirma ng Philippines-Japan Acquisition and Cross-Servicing Agreement noong Enero 15. Noong 2024, pinagtibay nito ang Reciprocal Access Agreement (RAA). Kapwa ito tahasang paglapastangan sa kasarinlan ng bansa na nagbibigay sa militar ng Japan ng laya na maglabas-masok sa bansa, na bahagi ng papel nito bilang katuwang ng US sa estratehiyang “first island chain” para palibutan ang China.

Ni minsan ay hindi kolektibong nanindigan ang Senado laban sa paparaming mga base militar ng US sa Pilipinas sa ilalim ng EDCA o laban sa mga sikretong pasilidad ng US sa Palawan, Ilocos, Aurora, Cagayan at iba pang lugar, o laban sa pagpakat ng US ng mga long-range missile at iba pang sandatang pandigma nito sa mga lihim na lokasyon sa bansa. Tahimik ito sa pagpasok at paglalayag ng mga barkong pandigma ng US sa karagatang teritoryo at pagsuot nito sa pagitan ng mga isla ng Pilipinas, at sa pag-aangkla ng mga higanteng barkong nabal ng US sa karagatang eksklusibo ng bansa.

Hindi rin nito kinokontra ang tuluy-tuloy na paghahanda ng US ng gera at pagpapakat ng paparaming mga kagamitan at tropang militar sa Pilipinas. Hindi ito nagsalita laban sa balak ng US na “ibenta” sa Taiwan ang mga EDCA site ng US sa Pilipinas, o planong gamitin ang Davao Gulf bilang “refuelling hub” para magserbisyo sa mga pwersang nabal ng US. Tikom din ang bibig ng Senado sa planong itayong pagawaan ng bala sa Subic na magiging bahagi ng plano ng US na gamitin ang bansa na base ng operasyong panggera nito sa Asia.

Habang nagpupuputak sa China ang ilang pulitiko at upisyal ni Marcos, tahimik na itinatag ng US ang bagong Army Rotational Force-Philippines, sa ilalim ng kanyang Task Force Philippines. Katuwang ang AFP at pwersang militar ng mga alyado nitong bansa, isasagawa muli ang bagong mga maniobra sa karagatang sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Habang sa Pilipinas ay tumindi ang mga tiradang kontra-China pabor sa US, sa buong mundo ay lumakas ang mga pagbatikos sa imperyalismong US. Ito ay matapos nitong nilusob ang Venezuela at dinukot ang presidente nitong si Nicolas Maduro at asawa niyang si Cilia Flores. Sinundan ito ng deklarasyong aagawin ang bansang Greenland, mga pagbabanta sa Mexico, Colombia at Panama, pang-uupat ng gulo kaakibat ang mga banta ng paglusob sa Iran, at pinatinding panggigipit sa Cuba at mga bansang nakikipagkaibigan o nakikipagkalakalan dito.

Inilantad ng mga ito ang kahungkagan ng sinasabi ng US na “international rules-based order.” Inilinaw ng pasistang hibang na si Trump na “America First” o interes ng US ang tunay na nasa likod nito, sa pagkukumahog na agawin ang kontrol sa mga pinagkukunan ng langis at hilaw na materyales sa iba’t ibang panig ng mundo. Upang hindi matali sa internasyunal na batas, inaalisan nito ng lakas ang United Nations sa pamamagitan ng paglabas sa mga komisyon nito, at hindi pagbabayad ng butaw. Itinayo ni Trump ang Board of Peace, diumano’y hahalili sa wala raw silbing UN, para palabasing may internasyunal na basbas ang pagpataw ng kapangyarihan ng US at Israel sa Gaza Strip.

Kinundena ang US sa iba’t ibang bansa, habang dumistansya maging ang mahihigpit na kaalyado nitong imperyalista. Binatikos din ang mga hakbang na ito maging ng mamamayang Amerikano, kasabay ng mga malawak na protesta laban sa pasistang rehimeng Trump kaugnay ng sunud-sunod na kaso ng pamamaslang ng mga ahente ng estado at pagkukulong sa ilampung libong imigrante. Nahaharap din si Trump sa malawak na pagkamuhi dahil sa ugnay niya kay Jeffrey Epstein, hinatulang kriminal sa mga kaso ng pang-aabuso sa kababaihan at mga bata.

Sa Pilipinas, pilit tinatabunan ang pandaigdigang pagbatikos sa US sa pamamagitan ng maka-US na masmidya, kasabay ng orkestradong atake laban sa China. Inilalarawan ang China na “banta” sa soberanya ng Pilipinas, para suhayan ang paulit-ulit na kasinungalingan na kailangan ng Pilipinas ng tulong ng US para ipagtanggol ang bansa. Ang tunay na banta sa Pilipinas ay ang papalaking posibilidad ng agresyong militar ng US sa Asia, kasabwat ang Japan, Australia at iba pang alyado nitong kapangyarihan. Kakaladkarin nito ang mga Pilipino sa isang internasyunal na sigalot na taliwas sa interes ng bayan.

Kailangang kailangan ngayon na ipaglaban ng sambayanan ang tunay na pambansang soberanya. Dapat palakasin ang makabayang kilusang masa para ipaglaban ang paglalansag ng mga base militar ng US, ang pagpapalayas sa lahat ng dayuhang imperyalistang tropa, at ang pagwawakas sa panghihimasok militar ng US sa bansa.

Habang binibira ng rehimeng Marcos ang China, namamayagpag ang US sa Pilipinas