Malawakang protesta sa kampus, inilunsad ng mga estudyante

,

Sa pagbubukas ng pangalawang semestre nitong Enero-Pebrero, inilunsad ng mga estudyante ang mga protesta at aktibidad sa di bababa sa 11 unibersidad. Daan-daan ang nagtipon para patuloy na ipaglaban ang kanilang demokratikong karapatan, singilin ang rehimeng Marcos sa malawakang korapsyon at labanan ang panunupil.

Sa University of the Philippines (UP) System, inilunsad ang mga protesta sa 10 kampus nito. Pinakatampok dito ang pagmartsa ng mahigit 550 estudyante ng UP Los Baños sa Laguna noong Enero 19.

Nagkaroon din ng mga protesta sa Polytechnic University of the Philippines, Technological University of the Philippines-Manila, Far Eastern University, University of Santo Tomas, De La Salle University, Ateneo de Manila University, National Teachers’ College, Saint Louis University sa Baguio City, Cavite State University at sa University of San Carlos sa Cebu City.

Tindig kontra TOFI. Naging tampok sa mga protesta ang pagtutol sa mga panukalang pagtataas ng matrikula (tuition and other fee increase o TOFI) sa mga pribadong unibersidad. Isinasangkalan ng mga unibersidad ang tumataas na gastos sa edukasyon, pagpapaunlad sa mga pasilidad, at mas mataas na sweldo para sa mga guro at kawani. Kaugnay nito, naglunsad ang National Union of Students of the Philippines (NUSP) ng 5-puntong kahingian laban sa TOFI.

Samantala, pinuri ng NUSP ang mga estudyante ng University of the East at DLSU kasunod ng kamakailang anunsyo ng administrasyon ng dalawang unibersidad na hindi ito magpapatupad ng TOFI sa akademikong taon ng 2026-2027. Ibinunga ito ng petisyon, dayalogo, protesta at sama-samang pagkilos ng mga estudyante, konseho ng mag-aaral at mga progresibong grupo.

Malawakang protesta sa kampus, inilunsad ng mga estudyante