Pambansang welga laban sa pasismo, inilunsad sa US
Naglunsad ng pambansang welga ang mamamayan ng US bilang protesta sa umiigting na walang pakundangang pasismo ng mga ahente ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) at Customs and Border Patrol (CBP) noong Enero 30. Tinawag ang protesta na “National Shutdown: No Work. No School. No Shopping. Stop Funding ICE.”
Naganap ang 300 kilos protesta at welga sa 50 estado, sa pangunguna ng mahigit 1,000 organisasyon. Kabilang sa nag-organisa ng pagkilos ang mga grupo ng mga Pilipino tulad ng Anakbayan, Malaya Movement, League of Filipino Students, Defend Migrants Alliance at Migrante USA. Tampok na protesta ang pag-walk-out ng libu-libong estudyante sa hayskul at kolehiyo mula sa iba’t ibang syudad. Ilanlibong negosyo ang pansamantalang nagsara at nagpahayag ng suporta sa welga.
Inilunsad ang welga sa gitna ng umiigting na karahasan sa Minnesota. Nasa 3,000 ahente mula sa Department of Homeland Security ang idineploy sa ilalim ng Operation Metro Surge, upang tugisin ang mga imigrante at maghasik ng takot sa mamamayan. Lumundo ang karahasan sa pagpatay ng ahente ng ICE kay Renee Good, isang manunulat noong, Enero 7. Sinundan ito ng pagpatay ng mga ahente ng CBP kay Alex Pretti, isang nars, noong Enero 24. Maliban sa dalawang biktima, pinatay din ng mga ahente ng ICE sina Keith Porter, isang US citizen at Silverio Villegas González, isang imigrante mula Mexico.
Sa Minnesota inilunsad ang unang bugso ng pangkalahatang welga noong Enero 23. Umabot sa 50,000 ang lumahok sa protesta at mahigit 700 negosyo ang nagsara sa araw na iyon. Nasa 80,000 manggagawa mula sa Minneapolis Regional Labor Federation ang sumuporta sa pagkilos.
Simula nang umupo sa pwesto si Trump, mahigit 30 ang namatay habang nakadetine sa mga pasilidad ng ICE. Kadalasang sanhi ng pagkamatay ay kapabayaan sa kalusugan ng mga ibinimbin.