Mga ghost project sa US at Taiwan, pinaiimbestigahan ng mga Pilipinong migrante
Pinaiimbestigahan ng mga Pilipinong migrante ang natuklasang samutsaring ghost project o hindi totoong proyekto ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) sa US at Taiwan.
Ayon sa DMW, naglalaan ito ng ₱5 milyon kada taon para sa mga shelter o pansamantalang tuluyan ng mga migrante na pinatatakbo ng mga non-governmental organization at ng ahensya sa Taiwan. Ngunit ayon kay Father Joy Tajonera, isang Pilipino-Amerikanong misyonerong pari at nangangasiwa sa shelter na Bahay Ugnayan, hindi na ito nakatatanggap ng subsidyo mula sa Manila Economic and Cultural Office mula 2022.
Napag-alaman din ng pari na naglaan ang ahensya ng ₱2.9 milyon para sa “MWO shelter” sa Taipei na sa kasalukuyan ay sarado.
Sa US, kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan-USA Washington ang ghost project ng DFA na Philippine Consulate sa Washington DC. Sa kabila ng nakalaan na pondong ₱83.73 milyon para sa 2025 at ₱88.9 milyon para sa 2026 ay hindi pa rin mahanap ng mga Pilipino sa US kung nasaan ito. Walang ulat kung ano ang nangyari sa pondo. Kinwestyon din ng grupo kung saan napupunta ang pondo para sa Assistance to Nationals ng DFA na nagkakahalaga ng ₱9.8 bilyon para sa 2025. Halos walang ibinibigay na serbisyo ang ahensya sa mga Pilipinong nangangailangan, laluna sa mga Pilipinong idinetine ng Immigration and Customs Enforcement.